Porma ng ‘Pinas sa Wushu umabanse sa World C’ships
- Gerard Arce
- Oct 22, 2019
- 1 min read

Muling nasubukan ang kakayanan ng mga pambato ng bansa sa Wushu Sanda event ng magsipagwagi ang mga ito para umabante sa susunod na round ng competition ng 15th World Wushu Championships sa Shanghai, China.
Inilabas ni dating World Cup Champions Divine Masadao Wally ang angking galing nang patumbahin nito ang kalabang si Jenitza M. Ramos ng Puerto Rico sa quarterfinals para makuha ang technical knockout victory upang umabante sa semifinal match sa women’s 48kgs.
Ang Benguet-native na si Wally ay nais mapantayan ang natamong world championship noong 2016 at bronze medal winner ng 18th Jakarta-Palembang Asian Games.
Hindi rin nagpatinag ang isa pang pambato ng national team na si Gideon Padua nang talunin si Chatuwat Khunphet ng Thailand, 2-0 sa round of 16 at dumiretso sa quarterfinals ng men’s 60kgs category.
Nakisama rin sa panalo si Carlos Baylon Jr. sa round-of-16 nang sibakin si Chien Hao Chen ng Macao, 2-0 upang umabante sa quarterfinals sa men’s 60kgs division.
Umabot din sa quarterfinals ng women’s 52kgs category si Jennifer Kilapio nang higitan nito si Hanen Messaodi ng Tunisa, 2-0 sa round of 16. Nagawa namang makatakas ni Clemente Tabugara kay Shanka Arachi-ge ng Azerbaijan, 2-1 para umusad sa quarterfinal round ng men’s 65kgs match.
Ianaasahang magpapakitang gilas din si dating world champion Arnel Mandal sa men’s 52kgs habang nag-aabang rin ng makakalaban si Russel Diaz sa men’s 48kgs. Nakikipagbakbakan din sa naturang 4-day event sina Daniel Parantac, Jones llabres Inso, Agatha chrystenzen Wong, Thornton Quieney Lou Sayan at Johnzenth Gaj sa Taolu events. Ang kampanya ng national team na ito ay magsisilbi ring pagsubok sa nalalapit na pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games.




Comments