Perya, ipasara na dahil sa iligal na sugalan, hepe ng pulis, kapitan at Mayor, pare-parehong nakikin
- Ka Ambo
- Oct 22, 2019
- 2 min read
Napatay ang tabloid columnist na si Jupiter Gonzales.
Dapat imbestigahan ang mga pusakal na “perya operators”!
◘◘◘
DAPAT na ring ipasara ni P-Digong ang mga “perya” na nagsasagawa ng ilegal na sugal.
May patong daw dito ang mga hepe ng pulisya!
◘◘◘
KUNG seryoso ang OIC ng PNP na linisin ang pulisya, unahin niyang ipasarado ang mga peryahan.
Alam ng taumbayan na nilulustay ng ordinaryong tao ang kanilang “suweldo” sa ilegal na sugal sa peryahan!
◘◘◘
ANG rides o mga laro sa loob ng perya ay front lamang.
Alam ‘yan ng mga pulis at kanilang hepe.
May alam din daw dito ang CIDG at NBI!
◘◘◘
HINAHAMON natin ang bagong pinuno ng CIDG at PNP na ipasara ang mga ito sa buong bansa, partikular sa Metro Manila at kalapit-lugar.
Peste ‘yan sa ordinaryong mamamayan!
◘◘◘
PESTE ang perya sapagkat isinasara ang “kalye” at nagpapatong ito ng “tara” sa mga hepe ng pulisya.
Hindi ito tsismis, ito ang mapait na katotohanan na kinunsinti ng Pambansang Pulisya!
◘◘◘
GINAGAWANG gatasang-baka ng pulisya ang peryahan sapagkat nagsasagawa rito ng sugal.
Hindi rin makaliligtas ang “perya” na posibleng gamitin sa “prostitusyon” at bentahan ng shabu!
◘◘◘
ANG mga magnanakaw, isnatser, holdaper at swindler ay karaniwang naglulustay ng kanilang nakulimbat sa “peryahan”.
Ang kalokohang ito ay tradisyunal nang nagaganap sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at karatig lugar!
◘◘◘
MAY tongpats din ang mga barangay officials at “task force” ni mayor mula sa “peryahan”.
Panahon na para ipasarado at ipagbawal ang mga ito na ginagamit ang “patron ng fiesta” sa ilegal at immoral na aktibidad!
◘◘◘
MAY ilang lugar na kahit walang piyesta ay may peryahan.
‘Yan ay kumporme sa laki ng “tongpats” sa pulis, gayundin kina mayor at kapitan.
Dahil ilegal, binubuliglig din ang mga peryahan ng ilang mga taga-media na umo-orbit-orbit dito!
◘◘◘
INUTIL ang Pambansang Pulisya kasi kinukunsinti nila ang “ilegal na aktibidad” na kakutsaba ang mga local officials.
Hinihiling natin kay DILG Secretary Eduardo Año na agad ipasara ang peryahan sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ito ay pugad ng ilegalista at imoralidad!





Comments