Cansino at Prado, UAAP collegiate PC-Paw

Hindi pa ganap na nakababalik sa tinatawag na siyento porsiyentong kondisyon si CJ Cansino pero hindi ito naging hadlang para matulungan niya ang University of Santo Tomas na makabalik sa playoffs ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.
Buhat sa mabagal na simula, hinay-hinay na itinataas ni Cansino ang kanyang laro habang patuloy na nagri-recover mula sa natamong ACL injury noong isang taon kasabay ng muli niyang pagningning bilang isa sa mga pangunahing manlalaro ng liga.
Parehas nito ang determinasyon ni Mar Prado para sa Adamson sa women’s division.
Sa pangunguna ni Prado, pinatatag ng Lady Falcons ang kapit nila sa third spot sa itinala nitong career-best 40 puntos bukod pa sa 8 rebounds, 6 assists, 4 steals at isang block sa nakaraan nilang laro.
“‘Di siya nagbwakaw para makuha yung 40 points niya,” wika ni Lady Falcons coach Ewon Arayi matapos nilang gapiin ang UP. “Dinala pa rin niya ‘yung team.”
Parehas ipinakita nina Cansino at Prado ang kagustuhan nilang tulungan ang kanilang koponan na umabot hanggang susunod na round.
Dahil dito, napili silang dalawa upang maging co-awardees bilang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps UAAP Players of the Week. Naging ikatlong manlalaro ang Lady Falcons’ top gun na tumanggap ng rekognisyon kasunod nina Ria Nabalan ng National University at Pat Pesquera ng UP.
Ito naman ang ikatlong pagkakataon na tumanggap si Cansino ng weekly citation kasunod ng dalawang beses nya noong kanyang rookie season.





Comments