Blue Eagles, twinkill Champion sa swimming

Photo: TheGuidon
Patuloy ang dominasyon ng Ateneo de Manila sa swimming competition matapos kumpletuhin ang twinkill sa men’s at women’s divisions ng katatapos na UAAP Season 82 Swimming Championships noong nakaraang Linggo sa Trace Aquatics Center sa Los Baños, Laguna.
Inangkin ng Ateneo ang kanilang ika-6 na sunod na men’s title at ikatlong sunod sa women’s. Kahit nag-graduate na ang kanilang mga pangunahing tankers na sina Jessie Lacuna at Aldo Batungbacal, naungusan ng Blue Eagles ang unang tatlong araw na lider na La Salle upang mapanatili ang men’s title.
Nakatipon ang Ateneo ng 353 puntos sampung puntos ang lamang sa La Salle na tumapos na may 343 puntos at 31 puntos ang agwat sa pumangatlong University of Santo Tomas (322 puntos). “It was really one of our best championships. Sobrang daming naging roadblocks talaga, not just our MVPs graduating, but also meron kami swimmer nagka-appendicitis, meron went into depression, and other problems na for a time we almost lost that belief na we could still win,” ayon kay Ateneo swimming program director Archie Lim.
Ganap na naagaw ng Blue Eagles ang lamang matapos ang itinalang 1-2 finish sa 50m Freestyle nina Drei Buhain (24.06) at Miguel Barlisan (24.11).
Kaya sa huling event na 400m Medley Relay, mayroon na silang anim na puntos na kalamangan at kailangan na lang ng bronze medal finish upang mapanatili ang korona.
Sa kabilang dako, kailangan ng La Salle na magwagi ng gold upang maagaw ang titulo sa Ateneo. Pero nasingitan sila nina Kevin Dagum, Jay Cabulit, Reynald Cullentas at Renz Gawidan ng University of Santo Tomas na nagwagi sa event at nagtala ng bagong UAAP record na bumura sa dating rekord na hawak ng Ateneo na 4:03.49 matapos maorasan ng 4:01.13. Pumangalawa ang Ateneo na nagtala ng tiyempong 4:04.93 at pangatlo ang UP (4:06.33).





Comments