top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Bebot na nambintang na hinipuan ng 53-anyos na pasahero at ipinabugbog, lagot!

  • Ryan B. Sison
  • Oct 22, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Bugbog ang inabot ng matandang lalaki na pinagbintangang nanghipo at nambastos ng kapwa pasaherong babae.

Sa CCTV footage ng sinakyang modern jeepney, makikitang gumewang ang matandang lalaki pagkasakay sa jeep at nang bahagyang nakakapit, muli itong gumewang paharap sa nakaupong babae na biglang napaiwas.

Halatang nainis ang babae kaya ito lumipat ng upuan saka nagsumbong sa driver. Aniya, binastos at hinipuan daw siya ng matanda at bago bumaba, biglang pinalo ng babae ang matanda na gumanti ng tadyak. Bumalik ang babae nang may kasamang ilang tambay sa kalsada at sumakay ang dalawang lalaki saka kinompronta ang matanda hanggang sa pinagtulungan itong hatakin pababa at binugbog.

Kinilala ang lalaki na si Alexander Butal, 53, na magang-maga ang pisngi at labi. Kuwento nito, biglang umandar ang jeep pagsakay niya kaya na-out-of-balance siya. Dagdag pa nito, mahina na ang kanyang mga kamay at maghapon siyang bumiyahe kaya laking-gulat niya nang akusahan siyang nambastos.

Bagama’t, lumipat ng upuan ang babae, hindi umano ito tumigil sa pagsasalita ng hindi maganda laban sa kanya. At pagdating sa barangay, pinagtulungan naman siyang bugbugin ng kapatid at tatay ng babae kaya sigaw ni Butal, dapat managot ang mga gumawa nito sa kanya.

Samantala, nagmamakaawa naman ang panig ng babae na iurong ang kaso, pero desidido si Butal na kasuhan ang mga nambugbog sa kanya, kabilang ang babae.

Sa totoo lang, hindi na mabilang ang mga babaeng nabiktima ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa pampublikong sasakyan, kaya tama lang na maging alerto sa paligid.

Pero kasabay ng pag-iingat saanman magpunta, pairalin din natin ang pasensiya at subukang intindihin ang sitwasyon. Kung binabastos, komprontahin nang maayos at huwag daanin sa galit.

Gayundin, hindi dapat palampasin ang ganitong insidente kaya panawagan sa lahat, sana ay magsilbing-aral ito na kung gustong panagutin ang nambastos, dumaan sa tamang proseso tulad ng pagre-report sa awtoridad.

Tandaan, nasa huli ang pagsisisi!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page