World-class museum ng INC, nakaka-proud bilang Pinoy

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Kilala ang Iglesia Ni Cristo (INC) pagdating sa kakaibang estilo ng pagpapagawa ng kanilang bahay-sambahan o kapilya dahil sa disenyo nitong hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagdami.
Idagdag pa ang ipinagawa nilang Philippine Arena sa Ciudad de Victoria, Bocaue, Bulacan na itinuturing na pinakamalaking arena sa kasalukuyan sa buong daigdig dahil may seating capacity itong 55,000.
Naalala natin, ilang buwan na ang nakararaan nang personal tayong magtungo sa pinakabago nilang world-class museum na napakaraming display at exhibits na puwedeng ihanay sa mga sikat na museum sa buong daigdig.
Ang sinasabi nating museum ay nasa kahabaan ng Central Ave. malapit sa INC Central Temple na umabot ng mahigit sa dalawang taon bago ito natapos at nakumpleto bago tuluyang binuksan sa publiko.
Kaya naisip nating isulat ang world-class na museum na ito dahil maraming tanong ang maaaring masagot kung personal kayong magtutungo rito.
Masasalamin sa naturang museum ang kasaysayan at pamanang kultura ng pinakamalaking relihiyong itinatag sa ating bansa at higit na mauunawaan ng publiko kung paano nagsimula hanggang sa lumago ang INC.
Nakakatuwa kasi bukas sa lahat ang sinasabi nating museum, hindi lang sa mga miyembro ng INC kundi sa lahat ng nais na makita ang lahat ng kanilang inihanda sa loob ng 105 taon.
Daig mo pa ang nanood ng sine kung pupunta ka sa naturang museum dahil sa bawat larawan o mga alaala na naroon ay kinapapalooban ito ng magagandang kuwento kung paano at gaano kahaba ang nilakbay ng INC.
Ang museum na pinasinayaan noong nakaraang Agosto 31 lamang ay may limang palapag na may kabuuang sukat na 46,098.54 metro-kuwadrado na sapat para ilagak ang lahat ng mga patotoo kung paano naging matagumpay ang INC.
Buong giting na ipinagmamalaki ng pamunuan ng INC ang naturang museum na binuo ng pinakabagong teknolohiya at ang disenyo nito ay pinagsamang native materials na ayon mismo sa kasaysayan ng INC.
Isang halimbawa ang makikita sa harapan ng gusali kung saan nakaukit ang “INC 1914” na sumisimbolo sa taon ng pagkakatatag ng Iglesia Ni Cristo at kapansin-pansin din ang mga haligi at rehas na hawakan ng kamay na nakabalot ng espesyal na uri ng rattan lamination na kung tawagin ay ‘permacane’.
Agaw-pansin din ang walkalators at ang state-of-the-art Building Management System na kumokontrol sa paglamig ng gusali, ventilation, lighting, electrical, pumps and tanks, system architectures at door locks na lubhang makabago.
Bukas ang museum na ito mula Martes hanggang Linggo, alas-9:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi at sayang na sayang kung hindi ninyo mararanasang magtungo rito dahil makikita ninyong hindi tayo daig ng ibang bansa sakaling magtungo kayo abroad.
Hindi sa pagyayabang pero kung pupunta kayo sa sinasabi nating museum, hindi kayo magsisisi.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments