National Volleyball Team, may tsansa sa SEAG gold
- Gerard Arce
- Oct 21, 2019
- 2 min read

Mas lalaki ang tsansa ng National Volleyball Teams na makakuha ng medalya sa 30th Southeast Asian Games ngayong taon dahil sa magkahiwalay na kaganapan sa men’s at women’s division.
Nabiyayaan ang men’s national team ng pagkakataon na makapili kung anong bracket ang nais samahan nito para sa classification at draw para sa biennial meet – napili nito ang Pool B na kinabibilangan ng Indonesia, Vietnam at Cambodia, samantalang ang Pool A ay pinagsasamahan ng defending champion Thailand, Myanmar, Timore Leste at Singapore.
Sa kabilang banda, ang women’s team naman ay kinakailangang sumabak sa isang single-round elimination format kung saan ang dalawang may pinakamaraming panalo ay maglalaban para sa kampeonato habang ang 3rd at 4th place ay maglalaro para sa bronze medal award.
Makakasama ng Pinay Volley belles ang powerhouse team at defending champion na Thailand, Indonesia, Vietnam at Singapore. Sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay umatras ang koponan ng Malaysia sa men’s at women’s event.
Pamumunuan ng 22-anyos na three-time UAAP champion na si Marck Espejo ng Ateneo ang men’s team na hindi nakapaglaro sa 2017 biennial meet dahil sa academic duties nito sa Ateneo, habang tutulungan siya nina Bryan Bagunas, John Vic De Guzman, Mark Alfafara at Joshua Umandal ng PLDT, at heavy hitter Ran Abadilla ng Air Force, Cignal’s Ish Polvorosa, Air Force’s Jessie Lopez at National University setter Joshua Retamar, Air Force’s Kim Malabunga at Francis Saura, Cignal’s Rex Intal, habang sina NU’s Ricky Marcos at Navy’s Jack Kalingking ang tatayong mga liberos. Tatayong head coach si National University tactician Dante Alinsunurin.
Ibabandera naman ng distaff side ang 14-woman team roster nito sa pangunguna ni UAAP at professional league Most Valuable Player Alyssa Valdez.Kasama ni Valdez sina dating DLSU leader Aby Maraño, setter Rhea Dimaculangan, Jovelyn Gonzaga, ASEAN Grand Prix 1st at 2nd leg Best Middle Blocker Majoy Baron at 2nd leg Best Libero Dawn Macandili, setter Jia Morado, middle blockers Mika Reyes at Maddie Madayag, wingers Frances Molina, Eya Laure, Mylene Paat, Fil-American Kalei Mau at 2nd Libero Kath Arado.
Si Shaq Delos Santos ang magme-mentor sa koponang nang-aasam ng podium finish sapul noong 2005 Manila Games sa pamumuno nina Tina Salak at Ging Balse nang tumapos ang mga ito ng 3rd place.





Comments