Mamanahin pa lang, hindi puwedeng ipangakong pambayad ng utang
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Oct 21, 2019
- 1 min read
Dear Chief Acosta, Pumasok sa isang kasunduan ang kapatid ko at kanyang kaibigan kung saan ang anumang maaaring manahin ng kapatid ko ay mapupunta sa kaibigan niya bilang kabayaran ng kanyang pagkakautang. Nangyari ang kanilang kasunduan habang nabubuhay pa ang aming mga magulang, may bisa kaya ito? — Roland
Sagot Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Section 1347 ng Republic Act 386 o kinikilala bilang “Civil Code of the Philippines” na nagsasabing:
xxx xxx xxx
No contract may be entered into upon future inheritance except in cases expressly authorized by law.”
xxx xxx xxx
Maliwanag sa nasabing probisyon ng batas, walang kasunduan o kontrata ang maaaring sumaklaw sa anumang maaaring maging mana ng tao, maliban na lamang sa mga pagkakataon na pinahihintulutan ng batas. Kaugnay nito, alinsunod sa kaso ng Tañedo vs. Court of Appeals (GR 104482, January 22, 1996, Ponente: Honorable former Chief Justice Artemio V. Panganiban), ang kasunduan sa pagitan ng inyong kapatid at kanyang kaibigan ay maituturing na walang bisa at hindi maaaring pagmulan ng karapatan o lumikha ng anumang obligasyon dahil ito ay ipinagbabawal ng batas base sa nabanggit na probisyon.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments