Mag-utol na 7 at 8 patay sa kandila

Nasawi ang magkapatid na bata habang kritikal ang dalawa pa nilang kapatid matapos sumiklab ang sunog sa kanilang bahay dahil umano sa napabayaang kandila sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Caloocan City fire marshal Supt. Stephen Requina ang mga nasawi na sina Jilian Nardeja, 8, at Marianne, 7, habang ang kanilang mga kapatid na sina Kian, 10, at Rodolfo, 5, ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa Caloocan City Medical Center.
Ayon kay SFO1 Alwin Culianan, dinala sa pinakamalapit na pagamutan si FO3 Ryan Caincol, 35, na dumanas ng hypertension habang nag-aapula ng apoy, samantalang, nakuryente naman si Fulgencio Rodriguez, 45.
Sa pahayag ni Chairman Honesto Gaton, alas-3:03 ng madaling-araw nang sumiklab ang apoy sa dalawang palapag na bahay na pag-aari ni Ricardo Manio, Jr. subalit, ang kanyang kapatid na si Marilyn Nardeja, ina ng mga biktima ang umuokupa sa ground floor. Ani Manio kay SFO1 Culianan, walang kuryente ang inuokupahan ng kanyang kapatid at gumagamit lang ang pamilya nito ng kandila.
Umabot ang sunog sa second alarm at idineklarang fireout alas-4:39 ng madaling-araw habang tinatayang nasa P150,000 halaga ng ari-arian ang natupok.





Comments