Mag-live-in partner nag-agawan sa baril, bebot utas
- Maeng Santos
- Oct 21, 2019
- 1 min read

Dedo ang 32-anyos na bebot matapos pumutok ang baril na tinangka nitong agawin sa kanyang live-in partner sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan si Maricar Salem, 32, factory worker habang sumuko naman sa mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct-5 ang suspek na si Rey Andy Capuz, 35, construction worker.
Batay sa ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-7:50 ng gabi nang magtalo ang mag-live-in partner sa hindi malamang dahilan sa loob ng kanilang bahay sa Bgy. 177, Camarin.
Sa gitna ng pagtatalo, kumuha ang suspek ng sumpak na tinangkang agawin ng biktima kaya nagpambuno ang dalawa hanggang sa pumutok ang baril at tinamaan sa katawan si Salem.
Mabilis na isinugod ng suspek ang biktima sa Bernardino Hospital bago inilipat sa naturang pagamutan habang narekober naman ng pulisya sa crime scene ang isang sumpak.





Comments