top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Mga nananahimik na puno, gustong putulin ng mga ganid sa yaman

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Oct 20, 2019
  • 2 min read

Limang taon na ang nakararaan nang sikapin ng ilang Cebuano at mga sumusuporta mula sa ibang lugar na tutulan ang pagputol ng matatandang puno sa Naga, Cebu at Carcar.

Bagama’t, naputol na ang ilang puno sa kahabaan ng highway sa Naga, merong nailigtas na 32 puno. Sa hindi inaasahang pagbaligtad ng kasalukuyang pamahalaang lokal ng Naga, kasama ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at DPWH (Department of Public Works and Highways), muli na namang pinag-initan ang mga natitirang puno.

Ito ang dahilan kung bakit muli tayong bumalik sa Cebu noong nakaraang Huwebes. Muli tayong naglagay ng mga puting laso sa 32 puno na simbolo ng pagtutol sa pagputol sa mga ito.

“Trees vs. greed” ang ating mensahe sa pagpunta sa Naga, Cebu. Ano ang ibig sabihin nito?

Trees: True respect (and reverence) for the earth (and the environment) ennobles the spirit. Pinatataba ng mga puno at kalikasan ang puso ng tao. Merong malalim na kaugnayan ang puso ng tao sa bawat nilalang ng Diyos. Pagnilayan natin ang “puso” ng bawat puno, buhay man o patay. Kung ganu’n na lang tayo pumutol at pumatay ng puno, ano na ang nangyayari sa ating mga puso?

Greed: Greed equals rape of the earth (and the environment) which ends in death. Pinagsasamantalahan ng mga gahamang pulitiko at kani-kanilang business partners ang kalikasan. Matatandaang, iniulat ang napakalaking sunog sa kagubatan ng Brazil (Amazon rainforest). Ayon sa ulat, libu-libong halaman, puno, hayop (endangered o new species) ang namamatay sa bawat sandali.

Samantala, sa kaso ng mga pinuputol na puno at kina-quarry na bundok sa Naga, Cebu, hindi na kailangan ang “sunog” — sadya man o hindi. Tao ang mismong kalaban ng kalikasan, tao rin ang kalaban ng kapwa nito dahil nakakabulag ang pagiging sakim o pagkagahaman.

Kailangang bumalik sa payak at banal na buhay ang bawat isa, lalo na ang mga namumuno sa bansa. Napakalaki ng kanilang responsibilidad na makita ang kalagayan ng tao at kanyang kapaligiran. Mahalagang makita nila ang mismong kalagayan ng kapaligiran upang hindi magpatuloy ang pagkasira ng mga ito.

Pero ang nakalulungkot, kulang sa lawak at bigat ang ispirituwal na aspeto ng marami.

Ayon kay San Buenaventura, “Ang sangnilikha ay ang unang aklat na binubuksan ng Diyos sa ating mga mata. At dahil sa ating pagkamangha sa ganda at kaayusan ng kayamanan nito, ating matututunang mahalin at purihin ang Diyos na lumikha nito.”

Nanalangin at nagbasbas tayo ng mga punong pinutol at balak pang putulin sa Naga, Cebu. Sinamahan tayo ng ilang mamamayang nagmamalasakit. Iilan at kakaunti lang ang mga kumikilos. At tila ang mga dapat mag-alala at magalit sa pang-aabuso sa kalikasan ay hindi rin nagsasalita. Hindi lang ito problema sa politika o maling ekonomiya, higit na malalim na problema ang moral at ispirituwal.

Hindi lang ang pagputol ng puno ang nakamamatay kundi maging ang kasinungalingan at panlilinlang sa taumbayan. Patawarin Ninyo kami Panginoon at Inang kalikasan. Nawa’y liwanagin at pawiin Ninyo ang kasakiman na bumubulag at pumapatay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page