Bawas-holiday, pinalagan

No work, no pay. Ito ang kadalasang siste sa mga kumpanya kaya maraming manggagawa ang pinipiling pumasok kahit special non-working holiday para lang kumita.
Anila, kukulangin ang budget ng pamilya kapag maraming holidays dahil wala silang pasok.
Kaya ang ending, no choice kundi ang mangutang para matustusan ang mga pangangailangan.
May mga magulang din na nanghihinayang sa mga araw na walang pasok sa eskuwela ang mga bata dahil nababawasan ang mga natututunan ng kanilang mga anak, bukod pa ang mga suspensiyon kapag may bagyo.
Kaya para tugunan ang isyu, ipinanukala ni Albay Rep. Joey Salceda na bawasan ang bilang ng non-working holidays sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill 5032 o Act on Rationalizing Holidays and Special Holidays, mula sa kasalukuyang 21 hanggang 25 public holidays, lilimitahan ito sa 18.
Layon ng panukala na palakasin ang productivity at competitiveness ng bansa.
Pero, hirit ng grupo ng mga manggagawa, hindi pagbawas sa holiday ang solusyon.
Dagdag pa rito, sapat lang ang mga holiday sa bansa para alalahanin ang mahahalagang pangyayari at magkaroon ng sapat na pahinga ang mga manggagawa.
Sagot naman ng Employers Confederation of the Philippines, dapat bawasan ang holiday sa bansa.
Bagama’t, wala umanong masama sa pagdiriwang ng mahahalagang araw, hindi dapat abalahin ang trabaho at productivity.
Samantala, maraming pumabor, pero mas maraming umalma, partikular ang mga kailangang pumasok tuwing holiday dahil anila, huwag nang pakialaman ang holiday. Kapag nabawasan kasi ito, bawas-double pay din.
Sa totoo lang, marami pang paraan para madagdagan ang pagiging produktibo ng bansa tulad ng pagpapadali ng pagnenegosyo, pagsasaayos ng problema sa trapik at pagtanggal ng katiwalian sa gobyerno.
Panawagan sa mga kinauukulan, kung hindi ito ang makakasolb sa problema, huwag nang ipilit at magpokus muna sa mas malalaking problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments