Sa labanang Marcos-Robredo: Walang kulay ang kabanalan
Wala pa ring desisyon ang Supreme Court sa “electoral protest” ni ex-Sen. “Bongbong” Marcos laban kay Vice-President Leni Robredo.
Ano ang dahilan nang paulit-ulit na pag-aantala? Maraming posibleng dahilan, pero huwag na nating pag-isipan ng kung anu-ano ang mga taga-SC. Hilingin na lang natin ang kanilang pagtupad sa kanilang sinumpaang mandato bilang mga hurado ng pinakamataas na korte ng bansa.
Noong ika-15 ng Oktubre, kasabay ng malaking rally na nilahukan ng dalawang kampo ng loyalistang Marcos at nagtatanggol sa katotohanan sa pagkapanalo ni VP Leni, naganap ang misa sa harapan ng SC.
Bago nagsimula ang misa, marami tayong nakitang puting rosas sa ibabaw ng altar. Pista noon ni Santa Teresa ng Avila at hindi natin maiwasang magtanong sa sarili kung ano ang mensaheng nais nitong iparating.
Nang magsimula ang misa, hinawakan natin ang isang rosas at tinanong ang mga tao, “ano ang kulay ng kabanalan?” Ang sagot ng marami, “Puti!” Tama, pero hindi lubos na tama.
Bakit hindi lubos na tamang sabihin na puti ang kulay ng kabanalan?
Hindi kulay ang kabanalan dahil ang taong banal ay walang kulay. Ito ay “transparent,” “translucent” o hindi nakukulayan o nagkukunwari. Kumbaga, kung ano ang nasa loob, ito rin ang makikita sa labas at vice-versa.
Nakikita ng Diyos ang banal na tao at nakikita rin ng banal na tao ang Diyos. Walang harang o piring ang kanilang mga mata. Ang kabanalan ay ang paghahangad na maging totoo sa Diyos at hayaan ang katotohanan na maging ilaw at wika ng sariling buhay kung saan anumang hatak ng mundo, nananatili tayong matatag sa kabanalan.
Nakatuon ang kanyang isip, puso, diwa, kaluluwa at mga mata sa Diyos. Hindi siya madaling malito, matakot at maimpluwensiyahan — ganito ang kabanalan.
Walang ibang makapapawi sa uhaw ng kaluluwang banal kundi ang bukal na pag-ibig ng Diyos. Dumadaloy sa kanya ang lakas, karunungan, katotohanan, katarungan, pagmamahal at kalayaan ng Diyos.
Pero sa kabila nito, hiwa-hiwalay pa rin ang taumbayan. Ito ang bunga ng mahabang panahon ng diktadurya. Tila dumarami ang mga hindi nagmamahal sa ating bansa.
Lumalaganap ang mga kasinungalingan at panlilinlang sa mga sangay at antas ng pamahalaan at lipunan.
Matapos ang misa habang binabasbasan natin ang nagsimba, nagtungo rin tayo sa kabila, ang mga kababayan nating ipinaglalaban ang protesta ni ex-Sen. “Bongbong”. Tahimik natin silang binasbasan at ipinagdasal. Tinanggap nila tayo at marami ang natuwa at yumakap sa atin.
Sa ating puso, napakalinaw ng panalanging paulit-ulit nating sinasambit, nawa’y muli kaming mabuo at magkaisa bilang isang bansa. Amen.





Comments