Pasig River Ferry, pambawas-trapik nga, tiis-tiis naman sa amoy
- Ryan B. Sison
- Oct 18, 2019
- 2 min read

Lahat ng paraan ay naiisip na para masolusyunan ang grabeng trapik sa bansa, partikular sa Metro Manila.
Isa sa mga pinagtutuunan ng pansin na makatutulong sa sitwasyon ng trapik ay ang Pasig River Ferry System dahil epektibo umano itong alternatibo sa pagbiyahe ng mga komyuter.
Ayon sa pag-aaral, bilyong piso ang nasasayang kada araw dahil sa trapik kung saan sa EDSA pa lang, dalawa hanggang tatlong oras na ang iginugugol ng mga motorista.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, malaki ang maitutulong ng ferry, lalo na ngayong hindi pa operational ang Skyway, LRT 2 at Philippine National Railways.
Mayroon itong 14 stations, pero 11 lang ang operational kaya ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), magkakaroon ng rehabilitasyon sa ilang ferry stations at hindi umano ito nawawala sa kanilang prayoridad.
Matatandaang, napagsisilbihan nito ang mga komyuter mula sa mga Lungsod ng Maynila, Mandaluyong, Makati at Pasig.
Kung magiging matagumpay ang rehabilitasyon, maraming makikinabang dito.
Pero ang hirit ng ilan, paano mahihikayat ang mga komyuter na sumakay sa ferry kung bago makarating sa pupuntahan ay nalanghap na nila ang nakasusulasok na amoy ng ilog?
Sa totoo lang, nakatutuwang bumiyahe gamit ang ferry, pero kung ganu’ng eksena ang mararanasan araw-araw, baka magtiis na lang sa trapik ang ilan.
Panawagan sa mga awtoridad, kasabay ng unti-unting pagresolba sa problema sa trapik, sana ay bigyang-pansin din ang mga hindi kaaya-ayang gawain ng mga tao na nakatira sa paligid ng ilog tulad ng pagtatapon ng dumi, basura at kung anu-ano pa.
Sa kahit anong problema, disiplina ang kailangan dahil kung mananatiling pasaway at dugyot ang mga tao sa paligid ng naturang ilog, balewala ang pagsisikap ng pamahalaan para maresolba ang iba’t ibang problema ng bayan.
Tandaan, hindi magiging matagumpay ang naturang hakbang kung pamahalaan lang ang kumikilos kaya paalala sa publiko, panahon na para magtulungan para sa kapakanan ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments