P31 bilyon para sa dagdag-sahod sa mga titser, kinumpirma ng DBM

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Natutuwa tayo dahil bago mag-recess ang Senado ay inaksiyunan na ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ang hinaing ng mga guro hinggil sa dagdag-sahod at benepisyo na matagal na nilang inaasam.
Ang inyong lingkod ang chairman ng naturang komite kaya sinimulan na natin ang unang hakbang para busisiin kung paano maiaangat ang suweldo ng teaching and non-teaching personnel ng Department of Education (DepED) sa buong bansa.
Pinaimbita natin mismo ang mga representante ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Education (DepED) Central Office, ilang mga guro at mga organisasyon kaya naging mabunga ang talastasan hinggil sa pagresolba sa naturang problema.
Nalulungkot tayo sa mga guro dahil sa paulit-ulit nilang binabanggit ang kanilang pagkadismaya hinggil sa kasalukuyan nilang suweldo dahil sa kasalukuyan, ang empleyado ng DepEd ay tumatanggap lamang ng karagdagang 10 porsiyento base sa kanilang salary grade.
Parang mga batang nagsumbong sa atin ang mga guro na higit umanong nakikinabang sa dagdag-sahod ang mga nasa top position kumpara sa mga ordinaryong guro na sobrang liit nang tinatamasa.
Lumabas din sa naturang pagdinig na ang mga public teachers ay tumanggap na ng suweldo na 34 porsiyentong mataas kumpara sa mga private school teachers, habang sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ang mga public school teachers ay binayaran ng 158 porsiyentong higit na mataas kumpara sa mga non-DepED teachers sa mga rehiyon.
Kumbaga, ramdam na ramdam talaga natin ang pangangatwiran ng mga guro, tumatagos sa puso natin ang bawat kataga na kanilang binibitawan hinggil sa kung anong kalagayan meron sila sa kasalukuyan.
Mabuti na lang at kinumpirma ng DBM na maaari silang maglaan ng P31bilyon para sa dagdag-sahod ng mga guro kasabay ng pahayag ng Civil Service Commission (CSC) na ang kompensasyon ng mga guro ay dapat ibase sa klase ng trabaho, kaalaman at responsibilidad ng isang guro.
Sa kasalukuyan, ang guro ay tumatanggap ng P20,754 suweldo ngunit, kapag naipatupad ang nilulutong dagdag-sahod, maaaring tumanggap ng karagdagang P10,000 hanggang P20,000 depende sa item.
Kaya ngayon, isinulong natin ang probisyon na karagdagang P5, 000 para sa chalk allowance ng mga guro. Hindi na ito kailangang tipirin kung saan imbes na may gusto pa silang isulat na dagdag-kaalaman sa mga mag-aaral ay hindi na lang itinutuloy dahil sa katitipid.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments