Mga pulis, can afford palang mag-golf... dahil sa dobleng suweldo?!
Gaano ba karaming pulis ang naglalaro ng golf tuwing weekdays?
Kamakailan, naglabas ng utos si Philippine National Police Officer-in-Charge (OIC) Lieutenant General Archie Francisco Gamboa kung saan pinagbawalan nitong mag-golf ang mga pulis mula Lunes hanggang Biyernes, naka-duty man o hindi.
Sinang-ayunan at pinuri naman ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, dating PNP chief ang ginawa ni Lt. Gen. Gamboa.
Sa totoo lang, “mamahaling sports” ang golf kung saan mula sa kumpletong set ng golf clubs (kahit ‘yung simple lang), mga sapatos, sportswear, golf balls at iba pa ay siguradong mapapagastos nang husto ang sinumang manlalaro nito bukod pa sa membership na madalas makukuha lamang kapag may miyembro nito ang nang-imbita sa‘yo at dagdag pa ang gastos sa paggamit ng golf course.
Sa laki ng magagastos ng manlalaro o miyembro ng golf, nakakabilib na marami palang pulis ang “afford” ang sports na ito.
Dahil ba doblado na ang kanilang suweldo? Puwede rin namang “regalo” lang ito ng galanteng tao? Hmmm...
Sa tingin natin, tama ang desisyon ni Lt. Gen. Gamboa. At siguro, baka may mga dapat pang ipagbawal sa mga pulis.
◘◘◘
KAMAKAILAN, ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang paggamit ng wang-wang ng mga opisyal.
Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, baka may emergency daw na kailangang puntahan.
Pero, paano malalaman ng ordinaryong mamamayan kung ‘emergency’ talaga ang kailangang puntahan ng mga ito?
Matatandaang, ipinagbawal ng nakaraang administrasyon (ex-P-Noy) ang paggamit ng sirena o “wang-wang” dahil sa pang-aabuso ng ilang opisyal noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bukod sa ambulansiya, patrol ng pulis, sasakyan ng bumbero (firetruck), BJMP at NBI lang ang pinapayagang gumamit nito at sa mga taga-gobyerno naman, tanging ang pangulo, VP at Senate President lang ang puwedeng magkaroon ng police escort.
Pero ngayon, nakapagtatakang parang dumarami ‘yung mga maaangas sa kalsada na kahit wala naman sila sa mga nabanggit ay meron silang ‘hawi boys’ para madaling makaraan ang kanilang mga pribadong sasakyan. Tama ba ‘yun?





Comments