Mga gusali nawasak, mall nasunog.. 5 patay sa 6.3 na lindol
- V. Reyes
- Oct 18, 2019
- 1 min read

Lima katao ang patay habang 17 ang sugatan sa Magnitude 6.3 na lindol sa Mindanao, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Tulunan, Cotabato Vice Mayor Maureen Villamor, nadaganan ng kongkretong pader ng kanilang bahay ang 7-anyos na babae sa Bgy. Damawato, Datu Paglas. Isang Tony Pananggulon, 40, ang inatake naman sa puso habang lumilindol, ayon kay Mlang Vice Mayor Joselito Piñol. Natabunan naman sa landslide sa Bgy. Malawanit, Magsaysay, Davao del Sur ang mag-inang Argen Abundo at kanyang 9-buwang anak na lalaki, ayon sa ulat ni Anthony Allada, information officer ng nabanggit na bayan. Nasawi rin matapos na mabagsakan ng bloke ng semento mula sa pader ng kanilang bahay ang 2-taong gulang na babae sa Bgy. San Isidro.
Samantala, nasugatan sa lindol ang may 17 residente sa Makilala, North Cotabato. Nabatid kay Psalmer Bernalte ng Kidapawan City Disaster Risk Reduction and Management Office, isang buntis ang nakunan dahil sa takot bunga ng paglindol. Inilabas din sa ospital ang mga pasyente sa nasabing lungsod matapos ang pagyanig.
Samantala, nasunog ang Gaisano Mall sa General Santos City kasunod ng lindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang sentro ng lindol sa Tulunan, Cotabato habang umabot na sa halos 300 ang naitalang aftershocks sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Nagpaalala naman si Renato Solidum, pinuno ng PHIVOLCS, na maging maingat sa mga aftershock dahil maaaring maging malakas ang ilan sa mga ito na makapagdudulot ng pinsala.




Comments