Tamang paghuhugas ng mga kamay at disiplina, solusyon sa pagkalat ng maraming sakit
- Kuya Win Gatchalian
- Oct 17, 2019
- 2 min read

Kamakalawa, ginunita natin ang Global Handwashing Day. Sa ating pagbabasa tungkol sa okasyong ito, nakuha ang ating atensiyon sa nakasaad sa internasyunal na pahayagan na ang paggamit ng sabon at malinis na tubig ay daan upang mailigtas ang buhay ng mga bata.
Mabuti na lamang at binibigyang-halaga ng buong mundo ang usaping ito dahil kadalasang nababalewala lamang ito sa ilang bansa tulad ng Pilipinas.
Ayon sa World Handwashing Partnership, ang pagtatae at pneumonia ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga batang edad lima pababa sa buong mundo.
Ito ay dahil sa kawalan ng sapat na impormasyon, babala at wastong implementasyon at regular na pagpapanatiling malinis ng mga kamay.
Atin ding napag-alaman mula sa pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at World Health Organization (WHO) noong 2018, mayroong 53 porsiyento ng mga paaralan sa buong mundo ang may kakulangan sa mga pasilidad sa kalinisan at paghuhugas ng mga kamay.
Mayroong mga paraan upang masugpo ang pagkalat ng sakit at impeksiyon dulot ng maruming mga kamay.
Base sa World Handwashing Partnership, ang pinakamahalagang oras na kailangang maghugas ng mga kamay ay pagkatapos dumumi at bago humawak ng pagkain o kutsara at tinidor.
Bukod dito, ilang rekomendasyon din ng Centers for Disease Control and Prevention (CDCP) ang paghuhugas ng mga kamay pagkatapos suminga, umubo at bumahing; humawak ng alagang hayop at dumi nito; gamutin ang anumang hiwa o sugat at humawak ng pera at basura.
Lingid sa ating kaalaman, ang maayos na paghuhugas ng mga kamay o handwashing ay nakababawas sa absenteeism o pagliban sa klase ng mga estudyante.
Kaya naman, ayon sa UNICEF, WHO at United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), sa pamamagitan nito ay maiiwasan o mapipigilan ang pagkalat ng mga nakaaalarmang sakit tulad ng pagtatae, cholera, pneumonia at bulate sa tiyan.
Bukod dito, nababawasan ang pagkakaroon ng impeksiyon sa balat at maging sa mga mata na tinatawag na trachoma na maaaring humantong sa pagkabulag.
Hindi lubusang maisasakatuparan ang wasto at regular na paghuhugas ng mga kamay kung walang umaagos na tubig at sabon sa mga tahanan at paaralan.
Kailangan nating siguraduhing wala nang rason na dumami pa ang mga nagkakasakit na mag-aaral dulot ng kawalan ng paalala, disiplina at kagamitan upang mapanatiling malinis ang kanilang mga kamay.
Ibig sabihin, dapat tiyakin ng mga awtoridad na may kumpleto at maayos na pasilidad na palikuran at hugasan sa ating mga paaralan.
Umaasa tayong hindi lamang mananatiling paalala tuwing Oktubre ang isyung ito. Sa halip, sana, magsilbi itong hudyat ng aksiyon na patuloy nating gabayan ang mga bata sa paghuhugas ng mga kamay tuwing kailangan.
Dahil dito, ipinaaabot natin ang panawagan sa bawat isa na magkaisa sa pagpapalaganap ng inisyatibong ito upang patuloy na malutas ang ating suliranin sa maruming mga kamay na nagdudulot ng seryosong sakit at karamdaman sa mga kabataang Pinoy.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments