NLEX import Harris, na-towing ang Dyip

Kinapitan ng NLEX Road Warriors si import Manny Harris upang kalusin ang Columbian Dyip, 117-111 sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tumikada si Harris ng 45 points upang ilista ang 5-1 karta para sa Road Warriors. Maagang nagparamdam ng lakas ang Road Warriors, nakapitan nila ang walong puntos na bentahe, 28-20 sa first canto.
Nanatili naman ang tikas ng NLEX sa second kaya hawak pa rin nila ang bentahe, 54-44 sa halftime.
Hindi nagpabaya ang Road Warriors sa third, sinabayan nila ang Dyip para hawakan ang 10-point lead, 87-77 papasok ng fourth.
Nahabol ng Dyip ang Road Wariors naitabla nila ang iskor kaya nagkaroon sila ng tsansang manalo. Subalit naging matatag ang NLEX at nakuha nila ang mahirap na panalo.
Samantala, tiyak na sasandalan pa rin ng TNT KaTropa ang kanilang import na si KJ McDaniels pagharap nila sa Alaska Aces bukas ng alas-7 ng gabi sa Ynares Sports, Antipolo.
Malinis sa anim na laro ang KaTropa, bukod kay McDaniels huhugot din sila ng lakas kina Jayson Castro, Troy Rosario at Roger Pogoy upang kunin ang panalo sa nagkukumahog na Aces. Nasa ilalim ng team standings ang Alaska, bitbit 1-5 karta, nakuha nila ang unang panalo nang talunin nila ang Rain or Shine Elasto Painters, 78-71 noong Linggo.
Ipantatapat ng Aces sina reinforcement Frank House at local Jeron Teng upang sikwatin ang inaasam na two-game winning streak.
Nagsalansan si House ng 22 points, 23 rebounds at tatlong assists sa kanilang panalo sa E-Painters habang bumakas si Teng ng 11 markers ang siyam na boards. Magkakaldagan sa unang laro ang Meralco Bolts at Blackwater Elite sa alas-4:30 ng hapon.





Comments