Asawa ng live-in partner binangga ng motor.. Call center agent, kulong

Kalaboso ang call center agent matapos tangkaing patayin ang asawa ng kanyang kinakasama makaraan silang ireklamo ng pangangalunya at pananakot ng biktima sa Valenzuela City.
Kinilala ang suspek na si Jamil Jesse Caro Tobias, 20, ng San Mateo, Rizal.
Sa nakarating na ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col Carlito Gaces, alas-12:15 ng madaling-araw, naglalakad sa kahabaan ng MacArthur Highway si Jonathan dela Cruz, 37, messenger, nang banggain siya ng minamanehong motorsiklo ni Tobias pagsapit sa kanto ng Gov. Santiago St., Bgy. Malinta.
Tumilapon ang biktima habang bumagsak din matapos mawalan ng kontrol sa kanyang minamanehong motorsiklo ang suspek subalit, mabilis na nakatayo, sabay bunot sa dalang patalim at inundayan ng saksak si Dela Cruz.
Nagawa namang makailag ni Dela Cruz at mabilis na nagtatakbo hanggang sa makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang tauhan ng PCP-4 na nagresulta sa pagkakadakip kay Tobias at pagkakakumpiska sa dala nitong patalim.
Ani Col. Gaces, nilayasan ng kanyang asawang itinago lang pangalang “Ligaya” si Dela Cruz saka sumama kay Tobias.
Tinakot pa umano ni Tobias si Dela Cruz na papatayin matapos layasan ng asawa kaya’t ipinasya ng biktima na ireklamo ng death threat at adultery ang suspek noong Setyembre 14, 2019 sa Bgy. Malinta.





Comments