Protesta ni “Bongbong” vs. Leni... hindi pa tapos ang laban!
Kahapon, inasahang magbababa ng desisyon ang Korte Suprema ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na pabor kay ex-Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Tatanggihan diumano ng maraming justices ang draft ponencia ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na nag-uudyok na ibasura ng PET ang protesta ni ex-Sen. “Bongbong” laban kay VP Leni Robredo.
Ayon ito sa eksklusibong ulat na lumabas sa pahayagang Manila Times na isinulat ni Jomar Canlas. Marami nang naisulat si J. Canlas tungkol sa SC at accurate ang kanyang mga report.
Magbababa diumano ng desisyon ang SC-PET na nagsasabing kailangan nang magpatuloy sa susunod na hakbang ang protesta para malaman kung may nangyaring fraud noong 2016 Presidential Elections sa pagka-VP.
Ayon din sa ulat, siyam hanggang 12 justices diumano ang susuporta kay ex-Sen. “Bongbong” at isasantabi ang kagustuhan ni Justice Caguioa.
Sa kasalukuyan, 14 lang ang justices ng SC (imbes na 15) dahil hindi pa napupuno ang puwesto nang nagretirong si Associate Justice Francis Jardeleza.
Inaasahang irerekomenda ng SC na payagan ang pagtanggap ng ebidensiya tungkol sa isyu ng pagwalambisa ng mga boto sa ilang probinsiya sa Mindanao kabilang ang Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur.
Isa sa mga justice na inaasahang kokontra sa dating senador ay si Senior Associate Justice Antonio Carpio, kilalang kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, lalo na sa polisiya ng pangulo tungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Suportado diumano ni Justice Carpio ang rekomendasyon ni Justice Caguioa na ibasura ang protesta dahil hindi raw ito nakapagpakita ng “substantial recovery” ng mga boto noong sinuri ang mga balota sa Camarines Sur, Negros Oriental at Iloilo.
Sa kabilang banda, ayon kay Chief Justice Lucas Bersamin, dapat ipagpatuloy ang protesta para makita ang basehan ng pagwawalambisa raw ng mga boto ng dating senador sa Mindanao.
Maaari pa raw ipagpatuloy ang revision ng mga boto sa pilot provinces habang tinitingnan ang isyu ng annulment ng mga boto sa Mindanao.
Samantala, bibigyan naman daw ng pagkakataon ang kampo ni VP Leni na ipagpatuloy ang pagsusuri ng mga balota sa kanyang sariling pilot provinces sa ilalim ng kanyang sariling kontra protesta laban kay ex-Sen. “Bongbong”.
Kapag ibinasura raw ang ponencia na isinulat ni Justice Caguioa, pipili ang justices ng bagong ponente para sa susunod na mga desisyon ng SC-PET.
Sa kanyang protesta, sinabi ng kampo ni ex-Sen. “Bongbong” na nagkaroon ng malawakang electoral fraud, anomalya at iregularidad sa bilangan ng boto sa posisyon ng pagka-VP.
Matatandaang, nangunguna si ex-Sen. “Bongbong” sa bilangan kung saan umabot pa ng lampas 1 milyon ang kanyang lamang.
Sa gitna ng bilangan, nangyari ang kontrobersiyal na paggalaw ng “queue server” ng Smartmatic, foreign company na tumakas ng bansa.
Sa pinal na bilangan, mahigit 200,000 boto lang ang lamang ni VP Leni sa dating senador.





Comments