top of page
Alex Eala at Sandro Marcos - FB.jpg

Bawas-suweldo sa mga kong, idagdag sa mga titser, nars etc.

  • Ryan B. Sison
  • Oct 16, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Matapos ang “commute challenge”, may bagong hamon sa mga pulitiko para maintindihan ang kahirapang dinaranas ng karaniwang Pinoy.

Sa “minimum wage challenge”, sinabi ni Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas, dapat itong maipatupad para malaman ng mga mambabatas kung sapat ang kinikita ng mga nasa laylayan ng lipunan para tugunan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.

“Kahit ang mga senador at kongresista, i-minimum wage natin para sa ganu’n, eksakto. Magkano ang pamasahe, magkano ang pangkain, magkano ang lahat?” ani Brosas.

Malaki umano ang maitutulong nito upang mailapit ang kanilang sikmura at interes sa kanilang mga nasasakupan.

Matatandaang, nasa Salary Grade 31 o P117, 086 kada buwan ang suweldo ng mga miyembro ng Kongreso, bukod pa sa mga allowance na nakukuha nila.

Samantala, pinaboran ito ng maraming netizens dahil anila, hindi ramdam ng mga mambabatas ang kahirapan kaya dedma sila sa mga idinaraing ng kanilang nasasakupan.

At sakaling tapyasan ang kanilang suweldo, ang mga benepisyo ay dapat din umanong bawasan dahil sa ganitong paraan, makikita ang sinseridad ng mambabatas sa pagsisilbi sa bayan.

Gayundin, ang ibabawas sa kanilang suweldo ay puwedeng ilaan sa mga propesyunal na hindi napapasuweldo nang tama tulad ng mga guro, nurse at iba pang nagtatrabaho sa medical field.

Kailangan pa ba nilang maranasan kung gaano kahirap maging mahirap para maunawaan ang taumbayan?

Sa totoo lang, kung gusto talaga itong maipatupad, kailangan itong pag-aralan nang mabuti dahil marami pang dapat ikonsidera.

Paano kung ito rin ang maging dahilan ng pagkakaroon ng iba pang anomalya? Huwag naman sana!

Kaya tanging panawagan sa mga nakaupo, huwag magbulag-bulagan sa dinaranas ng taumbayan dahil ‘ika nga nila, mahirap maging mahirap!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page