4 nangholdap ng gas station, todas sa pulis

Sunud-sunod na duguang bumulagta ang apat sa walong hindi pa nakilalang mga kalalakihan nang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis matapos holdapin ang Petron Gasoline Station sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ni QCPD Director Police Colonel Ronnie Montejo, ang mga napatay na suspek na mga nasa edad 30-35, pawang may taas na 5’5”, nakasuot ng puting t-shirt, fatigue maong short pants, black mask at helmet, black jacket na may hood at brown pants, may tatoo na 'TALIM, EGAY', asul na jacket at t-shirt at may tattoo sa kanang hita ng ‘Tribal'’.
Batay sa report kay Col. Montejo, ang engkuwentro ay naganap alas-2:45 ng madaling-araw sa kahabaan ng Payatas Road cor. San Jose St., Bgy. Payatas A.
Nagpapatrulya umano ang mga operatiba ng Batasan Police Station 6 na pinamumunuan ni PMaj. Sandie Caparroso, nang magpasaklolo sa kanila ang mga empleyado ng hinoldap na gasolinahan na sina Vanessa Epis, kahera at Elmer Boduan, pump attendant.
Ayon sa mga biktima, walong kalalakihan na pawang sakay ng motorsiklo ang sabay-sabay na nagpanggap na kustomer saka nagpahayag ng holdap.
Nang malimas ng mga suspek ang pera ay agad tumakas ang apat patungo sa direksiyon ng Molave St.
Agad namang nagsagawa ng dragnet operation ang mga pulis at naispatan ang apat na suspek kaya hinarang subalit, sa halip na tumigil ay pinaputukan ang mga awtoridad.
Gumanti ang mga pulis at sabay-sabay na duguang bumulagta ang mga holdaper.
Nasamsam sa crime scene ang mga basyo ng bala at cal. .38 na baril na ginamit sa panghoholdap ng mga suspek.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga awtoridad upang tugisin ang apat pang nakatakas na kasamahan ng mga napatay na holdaper.





Comments