11 paglipad sa panalo, dadagitin ng Blue Eagles

Nakatitiyak na ng isa sa top 2 spot sa Final 4 round, tatangkain ng reigning titlist Ateneo de Manila na manatiling walang bahid ang kanilang kartada para sa target na double round sweep sa muli nilang pagsabak ngayong hapon kontra Far Eastern University sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Tatargetin ng Blue Eagles ang ika-11 sunod nilang panalo sa pagharap nila sa Tamaraws sa ikalawang laro ng 12:30 p.m. Mauuna rito, magtutunggali sa unang laban ng 10 a.m. ang De La Salle at University of the East habang magsasagupa sa tampok na laban ng 4 p.m. ang University of Santo Tomas at University of the Philippines. Puntirya ng Ateneo na manggagaling sa 2-game elimination sweep ng kanilang archrival La Salle noong Linggo,77-69, na ulitin ang naging panalo nila kontra FEU noong first round sa iskor na 63-46.
Para sa kampo ng Tamaraws na kasalukuyang nasa ikatlong puwesto kasalo ng UST na hawak ang patas na markang 5-5, gagawin nilang buwelo ang naitalang 72-58 na bounced back win laban sa Tigers noon ding Linggo. Sisikapin namang patatagin ang kanilang kapit sa ikalawang puwesto ng Fighting Maroons sa muli nilang pakikipagtuos sa Tigers na tatangkain nilang bawian sa 69-85 na pagkatalong ipinalasap sa kanila noong first round. Makababalik na sa bench ng UP ang head coach na si Bo Perasol matapos i-lift ni Basketball Commissioner Jensen Ilagan ang dapat na ikatlong larong suspensiyon na naunang ipinataw dito. Samantala, pipilitin ng Green Archers (4-5) na kasalukuyang nasa ika-4 na posisyon na makabalik sa win column sa pamamagitan ng pagganti sa 88-89 na paggapi sa kanila ng Red Warriors (3-7) noong Setyembre 14.





Comments