top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Mga kabataang gustong magpakamatay dahil sa depresyon, iligtas

Kuya Win Gatchalian
Oct 15, 2019
2 min read

Noong ika-10 ng Oktubre, ginunita ng buong mundo ang World Mental Health Day. Ayon sa World Health Organization (WHO), 800,000 katao ang nagpapakamatay kada taon kung saan pangalawa ito sa pangunahing dahilan ng pagkamatay o suicide ng mga edad 15 hanggang 29.

Sa Pilipinas pa lamang, walo sa bawat 100,000 Pinoy ang nakikipaglaban sa karamdamang ito.

Hindi lamang ito laganap sa mga nakatatanda kundi maging sa ating mga kabataang mag-aaral na sumasailalim sa iba’t ibang sakit tulad ng depresyon, schizophrenia at anxiety disorder o pagkabalisa.

Base sa Global School-Based Student Health Survey noong 2015, 17 porsiyento ng mga mag-aaral sa high school sa Pilipinas mula 12 hanggang 15 taong gulang ay nagtangkang mag-suicide isang beses o higit pa.

Ilan sa indikasyon na may depresyon ang bata ay malungkot, iritable, kawalan ng interes, pag-iisip ng pagpapakamatay at hindi makatulog at makakain nang maayos.

Habang ang pagkabalisa naman ay labis na pag-aalala, pagod ang pisikal at emosyunal na aspeto, pagkanerbiyos, pagkagulat at pagpapawis.

Ang mga paaralan ang isa sa pangunahing lugar upang malabanan ang depresyon at agapan ang pagpapakamatay.

Hindi sapat ang isang kolum upang talakayin ang mahahalagang detalye at impormasyon tungkol dito ngunit, narito ang ilang suhestiyon mula sa mga eksperto upang makatulong sa pagpapagaling ng mga apektadong mag-aaral.

Maaari silang turuan at sanayin sa mga magagandang gawain, kakayahan at kasanayan tulad ng pag-aalaga ng hayop, pagsali sa anumang sports, pagpipinta o iba pang art activities, pagbuburda, photography, pagtugtog ng kinahihiligang instrumento at iba pa.

Anuman ang dahilan at pinagmulan, hindi biro ang depresyon at mga katulad nitong kondisyon. Kadalasan, nababalewala sa ating lipunan ang mapag-usapan ang suliranin sa mental health.

Ngunit, isa itong usapin kung saan hindi dapat isinaisantabi lamang, lalo na kung buhay ng bata ang nakasalalay.

Anuman ang kasarian, mahirap man o mayaman, bata o matanda, panahon na para bigyan ito ng atensiyon sa ating bansa.

Sa pamamagitan ng batas na Republic Act 11036 o Philippine Mental Health Law, poprotektahan nito ang karapatan at kapakanan ng mga indibidwal na may kondisyong pangmental at ibaling ang atensiyon sa pangangalaga sa kinabibilangan nilang komunidad at pagbutihin pa ang mga serbisyo para rito.

Bukod dito, tututukan din ang serbisyong pangmental na kalusugan sa mga barangay, kabilang na ang psychiatric, psychosocial at neurologic na serbisyo, pagandahin ang mga pasilidad at palaganapin ang edukasyon sa mental health sa mga paaralan at opisina.

Tulad ng ating sinabi noon, umaasa tayong makatutulong ang nasabing batas upang mapuksa ang anumang negatibong kaisipan sa kondisyon ng mental na kalusugan at higit sa lahat ay tanggapin sa lipunan ang mental na kondisyon bilang makabuluhang isyu na dapat nating harapin.

Sa pamamagitan ng patuloy na suporta ng gobyerno, pagtutulungan ng mga propesyunal, pangmedikal at buong sambayanan ay maiaabot natin ang malasakit sa mga kabataang nakararanas ng depresyon.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page