top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Trapik sa SLEX, hanggang Nobyembre na lang, pramis!

Bobi Tiglao
Oct 14, 2019
2 min read

Sa katapusan ng Nobyembre, gagaan na raw ang trapik sa SLEX at Skyway. Samantala, kailangang planuhin nang mabuti ang inyong mga biyahe para hindi kayo naiimbiyerna sa kalsada.

Kahit ang inyong lingkod ay naiipit din nang ilang oras sa SLEX habang papunta nang Maynila. Bagama’t, nakaiinit ng ulo ang matinding trapik, saludo tayo sa mga ginagawang proyekto ng gobyerno kabalikat ng pribadong sektor.

Kahit panay batikos ang kanilang inaabot, patuloy pa rin sila sa kanilang trabaho sa ilalim ng programa ni Pangulong Rodrigo Duterte na “Build, Build, Build”.

Pero, sa totoo lang, mas gusto natin na maraming ginagawang bagong daan, highway, tren at paliparan kahit sabihing malaki ang epekto nito sa pagbigat ng daloy ng mga sasakyan sa kalsada dahil kung iisipin, noong nakaraang administrasyon (panunungkulan ni ex-P-Noy), merong mga pagbabago, pero parang hindi naman ito maramdaman.

Ang masaklap, wala silang konstruksiyon, pero napakatindi ng trapik sa mga pangunahing kalsada, partikular sa EDSA kung saan nabansagan itong ‘malaking parking lot’.

Hindi lang matinding trapik ang problema noon kundi ang lantarang kriminalidad tulad ng carnapping sa gitna mismo ng EDSA.

Kaya sa iba riyan na walang ibang alam kundi ang magreklamo sa kasalukuyang administrasyon, isipin ninyo ang kapakanan ng buong bansa.

Kapag natapos na ang mga konstruksiyon, paniguradong gagaan ang buhay ng mga mananakay kaya kaunting pasensiya pa at maaayos din ang lahat.

Ang kasalukuyang proyekto sa Skyway ay ginagawa ng San Miguel Corp., isa sa mga respetadong kumpanya sa bansa.

Pinahahaba nila ang Skyway hanggang umabot ito sa Susana Heights/Muntinlupa Cavite Expressway (MCX).

Magkakaroon ng dagdag na tatlong lanes papuntang hilaga (northbound) at dalawang lanes naman papuntang timog (southbound), pero dahil may konstruksiyon sa lugar, isang lane muna ang nagagamit sa SLEX at ito ang dahilan ng trapik.

Pero pansamantala lamang ito dahil ang pramis nila, sa katapusan ng Nobyembre ay muling bubuksan ang iba pang lanes nito.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, noong Agosto ngayong taon pa inumpisahan ang Skyway Expansion Project at napabalita lang ito noong tumindi ang trapik na ginatungan ng dilawang media para lalong mapasama sa mamamayan.

Kaunting panahon na lang, luluwag na ang trapik sa SLEX, lalo na sa Alabang, ang tinatawag na “chokepoint”.

Sa area na ito, nagsisiksikan ang mga sasakyan, ang mga paakyat-baba ng Skyway at ‘yung iba naman na pumupuntang Alabang at Muntinlupa.

Sa kasalukuyan, hanggang south station sa Alabang lang ang Skyway pero sa susunod na taon, aabot na ito hanggang sa Susana Heights sa Muntinlupa City at magiging anim na lanes na ang Skyway.

Para sa mga kababayan natin, kaunting tiis na lang, magandang proyekto ito para sa lahat.

Kumbaga, pansamantalang kalbaryo lamang dahil kapag natapos na, tayo rin ang makikinabang dito, partikular ‘yung mga taong literal na araw-araw bumibiyahe.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page