top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Side-effects ng gamot para sa pagtaas ng presyon ng dugo

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Oct 14, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Mula nang resetahan ng atenolol ang aking tatay, iniinda niya na madali na raw siyang mapagod at nahihilo rin siya. Ang mga nararanasan ba niya ay side-effects ng gamot na ito? Normal lamang ba ‘yun o kailangan na naming sabihan ang kanyang doktor? — Aldo

Sagot Ang atenolol ay mabisang gamot para maiwasan ang pagtaas ng presyon ng dugo o alta-presyon pati na ang mga sintomas na may kaugnayan dito. Maaari rin itong ireseta para sa paninikip ng dibdib (angina), iregular na ritmo ng tibok ng puso at mga kumplikasyon ng atake sa puso at sintomas ng migraine.

Ang paggamit nito ay depende sa kondisyong nararanasan, gamitin lamang ito ayon sa inireseta ng doktor o sa direksiyon na nakasulat sa pakete ng gamot.

Ito ay maaaring inumin kasabay ng pagkain o pagkatapos kumain. Tandaan, dapat itong lunukin nang buo at hindi ito dapat dinudurog o hinahati.

Kailangang ituloy ang pag-inom nito hanggang sa matapos ang panahon na nakalagay sa reseta. Iwasang lumaktaw ng pag-inom at huwag titigil kahit sabihing bumuti na ang pakiramdam. Kapag nakalimutan ang pag-inom, agad inumin ang gamot sa oras na maalala pero kapag malapit na sa oras ng kasunod na pag-inom, ituloy na lamang ang nakatakdang pag-inom at huwag nang balikan ang nakaligtaang pag-inom.

Hangga’t hindi ipinapayo ng doktor, huwag doblehin ang iniinom na gamot o ibahin ang oras ng pag-inom nito.

Ano ang mga dapat tandaan sa pag-inom ng atenolol?

Bago resetahan ng gamot, importanteng ipaalam sa doktor kung may kondisyon tulad ng mga sumusunod:

  • Allergy sa gamot na atenolol at iba pang beta blockers; buntis; nagpaplanong magbuntis o nagpapasuso; problema sa bato at atay; problema sa puso at mababang presyon ng dugo; diabetes; hika; hyperthyroidism; depresyon at umiinom ng ibang gamot.

  • Iwasang uminom ng alak at manigarilyo kasabay ng pag-inom nito. Huwag ding isabay ang atenolol sa pag-inom ng antacid dahil maaaring hindi masipsip ng katawan ang epekto nito. Makatutulong ang pagbawas ng asin sa kinakain.

  • Epektibo ito kung sasabayan ng pagkonsumo sa mga masusustansiyang pagkain, regular na ehersisyo, pagpapanatili ng tamang timbang at normal na presyon ng dugo.

Agad itigil ang pag-inom ng gamot at muling kumonsulta sa doktor kapag naranasan ang mga sumusunod:

  • Pagkahilo

  • Madaling pagkapagod

  • Pagkalito o problema sa memorya

  • Hirap sa pagtulog

  • Pagtatae

  • Pamumula ng balat o pagkakaroon ng rashes o pagpapantal

  • Hirap sa paghinga

  • Pamamanas ng katawan

  • Sobrang pagpapawis

  • Panlalamig ng mga kamay at paa

Tandaan, kung nakararanas ng ilan sa mga sintomas ang pasyente kasabay ng pag-inom ng gamot na ito, makabubuti kung muli siyang babalik sa kanyang doktor nang sa gayun ay masuri nang mabuti at mabigyan ng karagdagang payo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page