Rating ni P-Digong at ng PNP, bagsak dahil sa ninja cops
Bumaho ang pangalan ng PNP dahil sa exposé kaugnay sa “Ninja Cops” na umeksena noong 2013.
Sumabit pa ang pangalan ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde.
Ano ba ‘yan?
◘◘◘
HINDI ipinatupad ang dismissal order ng ka-mistah ni Gen. Albayalde sa PMA Class 1986 na sina Gen. Aaron Aquino at Gen. Amador Corpus.
Idinadawit din ang isa pang kaklase ni Gen. Albayalde na si Gen. Ted Carranza na kumupkop sa “Dirty 13”!
◘◘◘
MAGAGANDA ang posisyon ng naturang “Ninja Cops” sa Region 4A na nasa ilalim ni Gen. Carranza.
Kahit anong katwiran, mahihirapan nang makadepensa ang mga heneral na karaniwang nasa Class ‘86.
Tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
BAGO lumutang ang exposé sa Senado kaugnay ng “Ninja Cops” sa Pampanga noong 2013, angat ang reputasyon ng PNP, lalo na sa Metro Manila na bumaba ang crime rate nang 60 percent.
Dahil sa magandang imahe ng PNP, kinilala bilang best regional office ang NCRPO at ginawaran ng pagkilala ng Civil Service Commission (CSC) si Gen. Guillermo Eleazar!
◘◘◘
DAHIL bumaba ang bilang ng krimen, nagmarka ng mataas na satisfactory rating si P-Digong bago ang exposé sa “Ninja Cops”.
Pero, ngayong nagkasabit-sabit ang “Ninja Cops”, bumaba ang grado ng pangulo at bumaho ang pangalan ng PNP!
◘◘◘
BAGO mawala sa NCRPO si Gen. Eleazar, nagawa niyang arestuhin ang mahigit 500 foreigners na sangkot sa iba’t ibang krimen kabilang ang mga walang working permits.
Katuwang ang bagong hepe ng BuCor na si Gen. Bantag, binaklas nila ang kubol sa loob ng Bilibid at binuldoser ang mga ito!
◘◘◘
KINUMPISKA nina Gen. Eleazar at Gen. Bantag ang mga epektos sa loob ng Bilibid upang tangkain na muling iangat ang reputasyon ng PNP.
Ngayon, wala nang VIP sa Bilibid, pantay na ang trato sa mga bilanggo!
◘◘◘
PUSPUSANG paglilinis sa imahe ng kapulisan ang ginagawa ni Gen. Eleazar na nadungisan ng kontrobersiyal na isyu ng Ninja Cops.
Bagama’t, na-promote sa three-star general si Gen. Eleazar bilang hepe ng directorial staff, malaking kawalan siya sa Metro Manila.
Kailangan ni P-Digong si Gen. Eleazar, pero higit siyang kailangan ng mamamayang nananabik sa payapa at ligtas na pamumuhay sa ating bansa!





Comments