Kahit may ‘Hagibis’ sa Japan, Pagunsan, top 20 ng Chiba Golf

Nairehistro ni Juvic Pagunsan ng Pilipinas ang kanyang pangatlong top 20 performance sa 2019 Japan Golf Tour matapos nitong masikwat ang pang-12 posisyon at maibulsa ang JPY 1,448,333 (PHP 689,167) na pabuyang salapi sa pagsasara ng Bridgestone Open Golf Tournament sa palaruan ng Sodegaura Country Club sa Chiba, Japan.
Nagliyab ang mga palo ni Pagunsan sa naging huling round at umiskor ito ng 7-under-par 64 para idikit sa opening round niyang even par 71 at irekord ang kabuuang kartadang 135 strokes sa paligsahang pinaabot lang sa dalawang rounds sa halip na apat dahil sa pagdating ng malakas na bagyong si “Hagibis” sa Japan.
Apat na palo ang naging bentahe sa Pinoy ng nagkampeong si Shugo Imahira na pambato ng punong-abalang bansa at isang stroke lang ang naging lamang sa kanya ng parbuster na umokupa ng top 10.
Matatandaang kailan lang ay humataw si Pagunsan ng kabuuang 272 strokes (16-under-par) pagkatapos ng apat na yugto ng bakbakan upang makaakyat siya sa pangsiyam na puwesto sa ika-47 edisyon ng Rizal KBC Augusta Golf Tournament sa Fukuoka.
Hindi rin katagalan nang naramdaman ang tikas ng Pinoy matapos itong sumegunda sa Shigeo Nagashima Invitational Segassamy Cup sa Hokkaido.
Dito, JPY 15,000,00 (USD 141,000) ang pumasok sa kaban ng manlalarong winalis ang Visayas swing ng Philippine Golf Tour (PGT).
Nasa pang 25 baytang si Pagunsan sa kasalukuyan base sa Japan Golf Tour moneyboard.





Comments