top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Hamon sa Korte Suprema: Maging totoo sa sinumpaang Diyos, bayan at tao, hindi sa mga diyos-diyosan

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Oct 14, 2019
  • 2 min read

Noong Biyernes, ika-11 ng Oktubre 2019, sinamahan natin si Fr. Bert Alejo Sj sa kasong inihain laban sa kanya, gayundin kina ex-Sen. Antonio Trillanes IV, Atty. Jude Sabio at isang Sr. Ling na kasapi raw ng “Cannussian Sisters”.

Sila ay sinampahan ng kasong “serious illegal detention” o “kidnapping” ni Guillermina “Mina” Lalic Barrido, businesswoman na taga-Davao City.

Ayon kay Mina, siya ay pinilit ng grupo na umamin sa mga paratang ng EJK laban kay Pangulong Rodrigo Duterte. Itinakda ng DOJ ang pagsumite ng counter affidavit ng mga akusado ngayong ika-22 ng Oktubre (ex-Sen. Trillanes) at ika-23 ng Oktubre (Fr. Albert Alejo Sj.)

Samantala, bukas (Martes), marami ang babalik sa Korte Suprema para hintayin ang desisyon nito hinggil sa Electoral Protest ni ex-Sen. “Bongbong” Marcos laban kay VP Leni Robredo. Ito ay dahil ipinipilit ng dating senador ang akusasyon nitong nandaya raw ang VP.

Nang tanungin ng mga reporters si Chief Justice Lucas Bersamin kaugnay sa protesta laban kay VP Leni, ang sagot nito, “don’t worry, hindi ko ito niluluto. Hindi puwedeng lutuin ‘yan.”

Hindi natin hinuhusgahan ang Chief Justice o sinuman sa justices ng Korte Suprema, pero alam nating sa kabila ng kanilang sinumpaan-pananagutan bilang hurado ng Korte Suprema, nananatili silang tao na maaaring matukso at umiral ang kahinaan sa harap ng labis na pressure mula sa iba’t ibang aspeto.

Matatandaang, napakaraming lumaban sa diktador noon. Hindi ito madali dahil inabot ng 21 taon mula 1965 hanggang 1986 ang pagsubok sa tatag, tiyaga at pananalig ng mamamayan.

Sa mga nagdaang panahon, nakalulungkot at nakakatakot ang patuloy na pagbaluktot sa kasaysayan. Madalas nating marinig ang kabaligtaran ng mga tunay na pangyayari kung saan bukambibig nila na, “napakaganda ng buhay sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, wala itong anumang ginawang masama o mali.”

Noong unang taon nang pansamantalang nawala ang mga Marcos, hindi masyadong naririnig ang nabanggit na pagbaluktot ng kasaysayan. Ngayon, napakadali nang ulit-ulitin ang kabuktutan nito. Naalala natin ang sinabi ni Joseph Goebbels, propaganda minister ni Adolph Hitler, “if you tell a lie big enough and keep repeating it, people will eventually come to believe it. The lie can be maintained only for such time as the State can shield.”

Ngunit, sinabi rin ni Fr. Alejo Sj, “mahirap ipagtanggol ang masama dahil lalabas at lalabas din ang katotohanan.”

Gayunman, ito ang panalangin natin para sa DOJ at Korte Suprema:”Hindi lamang tao ang inyong pinaglilingkuran kundi maging ang Diyos na Panginoon ng katotohanan, katarungan, buhay at kasaysayan. Sana, maging totoo kayo sa inyong sinumpaan sa Diyos, bayan at tao. Sana, wala kayong “ibang diyos” o diyus-diyosan.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page