top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Carnival ride bumigay, 6 nadale

Jeff Tumbado
Oct 14, 2019
1 min read

Anim katao ang sugatan matapos mahulog mula sa kanilang sinakyang rides sa isang amusement park sa Legazpi City, Albay.

Kabilang sa mga naisugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sina Jasmine Maud, 8; Jester Kurt Badong, 6; Mateth Lopez, 59; Angyeta Balong, 40; Monica Herrera, 22, at Jeric Conde, 13.

Nagtamo ang mga biktima ng sugat at bugbog sa iba’t ibang parte ng katawan sanhi ng pagkahulog sa sinasakyan nilang rides na kung tawagin ay spinning swing o ang St. Luke Merry mixed up rides nitong gabi ng Sabado.

Ayon kay Police Lt. Col. Aldwin Gamboa, naganap ang insidente pasado alas-9:00 ng gabi sa The Traveling Carnival sa Landco Business Park na matatagpuan sa Barangay Capantawan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sa kalagitnaan ng pag-andar ng nasabing rides ay biglang nadiskaril ang kanilang sinakyang module na dahilan ng kanilang pagkahulog.

Suwerte pa rin umano ang mga biktima dahil mababaw lamang ang kinabagsakan ng mga ito.

Sinabi ni Gamboa na sinagot ng may-ari ng peryahan ang lahat ng gastusin ng mga biktima sa kanilang pagpapaospital.

Samantala, pansamantala munang itinigil ang operasyon ng nabanggit na rides sa publiko habang patuloy na inaayos ang nasirang module.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page