Ayuda para sa mga batang ulila, inabandona, napabayaan at iba pa, isinusulong!
- Bong Revilla
- Oct 14, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Taun-taon, bilang bahagi ng pagdiriwang ng aking kaarawan ay naging panata ko na ang bumibisita sa mga bahay-ampunan, pero mahigpit kong ipinagbabawal ang media coverage upang mapanatili ang kasagraduhan ng okasyon.
Madalas, kasama ko ang miyembro ng aking pamilya, partikular ang aking mga anak upang sa murang edad ay matutunan nila ang sinserong pagtulong sa kapus-palad tulad ng mga bata sa ampunan at ang mga matatanda na walang nag-aalaga.
At pursigido tayo rito na sa katunayan, nitong nakaraang linggo ay kumbinsido ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilaan ang P2,500 para sa quarterly special trust fund ng mga batang ulila, inabandona, napabayaan at kusang nagpaalaga sa ampunan.
Kaya nagpasa tayo ng panukalang-batas hinggil dito, ito ang (Senate Bill No. 1021) o “An Act Providing for a National Program to Support and Care for Abandoned, Neglected and Voluntarily Committed Children, Creating a Special Trust Fund.”
Gusto nating ang mga benepisaryo ay bibigyan ng trust fund mula nang sila ay pangalagaan ng DSWD hanggang sa abutin nila ang legal age, maliban na lamang kung kusa itong inihinto ng DSWD dahil sa pagkamatay, hindi kuwalipikado o iba pang kadahilanan.
Kung maisasabatas, malaki ang maitutulong nito sa 1.8 milyong orphans at abandoned children sa buong bansa sa pagitan ng mga edad 5 hanggang 14 na karaniwang sumasabak sa child labor o maagang nakipagbuno sa buhay para makaraos lamang.
Mismong ang DSWD sa tulong ng iba pang sangay ng pamahalaan ay aatasang mangalaga sa kapakanan at paghubog ng kabataan at kailangang magtayo ng transparent mechanism na magbibigay ng lump sum grant para sa abandonado, napabayaan o boluntaryong kabataan na pasado para sa naturang programa.
Tapos magkakaroon ng trust fund account sa kahit anong commercial bank o ilang commercial banks sa pangalan ng potential beneficiaries sa ilalim ng memorandum of agreement na ipapasok mismo sa commercial bank at DSWD.
At para manatili ang real purchasing value ng naturang halaga sa pagdaan ng mga taon, ito ay itataas ng DSWD kada tatlong taon na sukat sa average inflation rate para sa nasabing peryodo na sertipikado ng National Economic Development Authority (NEDA).
Sa ganitong paraan, mananatiling akma o sukat pa rin sa pangangailangan ng mga benepisaryo ang halaga na itatalaga sa bawat isa upang magamit nila sa kanilang pangangailangan.
Sana, hindi ito samantalahin ng mga iresponsableng magulang na anak na lamang nang anak tapos aabandonahin lang at iaasa ang lahat sa gobyerno.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments