AIBA: Sumuntok na sa gold medal si Petecio

Hindi natinag o nasindak ng anumang hadlang sa banyagang bayan si newly-crowned World Champion Nesthy Petecio nang kanyang ibulsa ang gold medal sa women’s Featherweight division, Linggo ng hapon, sa championship round ng 2019 Women’s Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia.
Bitbit lamang ang tapang at diskarte sa kalabang Ruso, ipinagwalang bahala ng 27-anyos na tubong-Santa Cruz, Davao del Sur ang umpukan at ingay ng Russian Fans na kumokontra sa kanya laban kay crowd-favorite Liudmila Vorontsova matapos itakas ang 3-2 panalo mula sa binigay ng mga judges ng Australia (30-27), Ireland (29-28) at South Korea (30-27), habang ibinigay ng Japan (30-27) at Argentina (29-28) ang panalo sa Russian fighter. Kahit pa man bahagyang nakalalamang sa reach advantage ang Russian boxer ay ipinaramdam ni Petecio ang malalakas na suntok nito sa simula pa lamang ng laro upang bahagyang makalamang ito sa round 1.
Sa sumunod na round ay patuloy ang magagandang kombinasyon na binitawan ng 2015 Incheon Asian Games campaigner upang tumama sa mga mukha at katawan ng gold medalist ng Russia Women’s National Championships.
Patuloy ang palitan ng mga suntok ng dalawang panig kung saan tinatamaan din si Petecio ng makailang ulit, ngunit hindi natinag ang 3-time Southeast Asian Games silver medalist sa pag-ayuda ng mga suntok.
Ang 5-foot-2 Filipina puglist na ang ikalawang Pinay na nagwagi ng gintong medalya sa World Championship na unang kinuha ni light-flyweight Josie Gabuco noong 2012 Qinhuangdao meet. Ibinigay kina British Army-boxer Kariss Artingstall ng England at Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei ang bronze medal sa 57kgs category sa torneong nilahukan ng 256 boxers mula sa 73 bansa.





Comments