top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Petecio, sure silver na sa Women’s AIBA stint

  • Gerard Arce
  • Oct 13, 2019
  • 2 min read

Isang laban na lang para sa tagumpay ang kailangang lampasan ni Southeast Asian Games-bound Nesthy Petecio matapos makuha ang isang silya sa Finals ng women’s Featherweight division, Sabado ng hapon, sa 2019 Women’s Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia.

Hindi nagpatinag sa mas matangkad na British Army-boxer na si Kariss Artingstall ang 27-anyos na tubong-Santa Cruz, Davao del Sur nang tamaan nito ang 4-1 panalo sa semifinal round ng 57-kilograms category. Ipinagkaloob ng judges ang 30-27 (Australia), 29-28 (Russia), 29-28 (India) at 29-28 (Argentina) panalo kay Petecio, habang ibinigay ng Serbian judge ang 30-27 kay Artingstall.

Dahil dito ay nakasisiguro na si Petecio ng silver medal na kanya ring nakuha noong 2014 World Championship sa Jeju City, South Korea, kung saan tinalo siya roon ng Russian opponent na si Zinaida Dobrynina.

“Lahat po sir, ng kalaban ko di po basta-basta mahirap po sila lahat kalaban. Pero ‘yung strategy namin nila coach Nolito at Galido po baga di ako magpakuha ng distansya sa kanya dahil nga po mahaba soya sakin. Counter po agad kapag bibitaw siya. Baga andyan lang ako malapit sa kanya. Ilagan ‘yung mga suntok niya kung maaari po. Epektibo naman po yung strategy namin nila coach. Tsaka kaya ko suntok niya at dinaan ko siya sa lakas po talaga ng suntok ko. Medyo nasaktan na siya sakin noong tinatamaan ko siya lagi sa tiyan kaya panay na takbo niya,” tugon ni Petecio sa eksklusibong panayam ng BULGAR.

Umaasa rin ang 5-foot-2 Filipina puglist na makukuha nito ang kauna-unahan niyang gold medal sa international tournament. Sunod na makakatapat ng 2015 Incheon Asian Games campaigner ang crowd-favorite na si Liudmila Vorontsova ng Russia na tinalo sa sarili niyang semifinal match up ang matangkad ding si Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei sa iskor na 3-2.

Nakuha ng Russian boxer ang kontrobersiyal na Finals seat sa mga judges mula People’s Republic of Korea (29-28), Ireland (29-28) at Morocco (29-28), samantalang tambak sa paningin ng Argentina (30-27) at Guatemala (30-27) ang iskor sa panig ng Taiwanese boxer.

Sa kanyang pagtungtong sa Finals, iwinasiwas muna ng 3-time SEA Games silver medalist ang mga panalo nito kina Sena Ire ng Japan, 4-1 sa quarterfinal match, Chinese boxer Qiao Jieru sa round of 16 ng preliminary rounds sa iskor na 3-2, ang Olympian, World at European champion na si Stanimira Petrova ng Bulgaria, 3-2 sa round of 32, habang sa panimulang laban nito sa round of 64 eliminations round kay Jucielen Romeu ng Brazil, 3-2.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page