Mga sanhi ng pagsakit ng puson kahit walang mens
- Shane M. Ludovice, M.D
- Oct 13, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay 31 years old at single mom. Lately, madalas na sumasakit ang puson ko kahit wala naman akong mens. Sa totoo lang, natatakot ako na baka kanser na ito kasi may tiyahin akong nagkaroon ng problema sa matris. Ano ba ang mga posibleng dahilan ng pagsakit ng puson at ano ang dapat gawin para mawala ito? — Anna
Sagot Kung masakit ang puson kahit walang menstruation, posibleng may mabigat itong dahilan.

Narito ang ilang dahilan ng pagsakit ng puson kahit walang menstruation:
Eating disorder. Ang babae na mayroon nito ay makararanas ng hindi regular na regla o talagang wala na. Posibleng ang pagsakit ng puson ay senyales ng katawan bago magkaroon ng buwanang regla.
Pagbubuntis. May posibilidad din na nagdadalantao ang pasyente kapag nakararanas ito ng pagsakit ng puson kahit walang menstruation. Sinasabayan ito ng kaunting pagtulo ng kulay pula o brown na likido.
Pagkakaroon ng bukol. Ito ay may dalawang dahilan — una, maaaring may tumubong bukol sa obaryo. Ikalawa, ang itlog ay hindi makaalis mula sa follicle ng obaryo at habang lumalaki ito, makararamdam ng sakit sa puson.
Menopause. Sa pagkakataong ito, ang pasyente ay makararanas ng hindi na regular o halos wala nang menstruation nang ilang buwan dahil sa pagbaba ng reproductive hormones sa kanyang katawan.
Cervical stenosis. Kung saan ang ibabang bahagi ng matris ay masyadong masikip kaya hindi madaling nakadadaloy ang dugo sa panahon ng buwanang dalaw.
Narito ang dapat gawin para maibsan ang pagsakit ng puson:
Iwasan ang sobrang stress o pagkapagod.
Bawasan ang pagkain ng maaasim at maaalat na pagkain.
Gumamit ng hot compress.
Uminom ng herbal tea o mainit na tubig na may lemon.
Ugaliing uminom ng maraming tubig.
Gayunman, ang pinakamabuting gawin ay magpakonsulta sa doktor, lalo na kung lumalala na ang pananakit ng puson upang mabigyan ng karampatang payo at maresetahan ng gamot na angkop para rito.




Comments