Mga karapatan ng nangutang laban sa hindi makatarungang paniningil ng mga credit card companies
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Oct 13, 2019
- 2 min read
Bilang mga nagpapautang, ang mga credit card companies ay mayroong karapatang maningil sa mga nangutang gamit ang credit card na kanilang ipinagkaloob sa kanilang mga kliyente. Mayroon din silang karapatang ibigay ang paniningil sa mga collection companies para maningil ng kanilang mga pautang kapag ang nasabing pagkakautang ay kinakailangan nang mabayaran.
Ito ay sa mga pagkakataong ang obligasyon ng mga nangutang na magbayad ay umabot na sa takdang-araw at hindi pa rin nakababayad ang mga ito sa kanilang pagkakautang. Subalit, ang karapatang maningil na ito ng mga credit card companies ay hindi dapat maging dahilan para guluhin ang buhay ng mga nangutang. May karapatan din silang mabigyan ng proteksiyon laban sa hindi makatarungang pamamaraan ng paniningil.
May mga maayos na paraan upang makapaningil ng pautang ang mga credit card companies. Ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng mga hindi makatarungang paniningil tulad na lamang ng paggamit ng mapang-insultong mga salita.
Mayroong regulasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas kung saan binigyan ng klasipikasyon bilang Unfair Collection Practices ang mga sumusunod na gawain:
“(a) Use or threat of violence or other criminal means to harm a person, his reputation or property;
b) Use of obscenities, insults, or profane language which amount to a criminal act or offense;
(c) Disclosure of the names of credit cardholders who allegedly refuse to pay debts, unless authorized by law;
(d) Threat to take any action that cannot legally be taken;
e) Purposely communicating or threatening to communicate false credit information;
(f) Any false representation or deceptive means to collect any debt or to obtain information concerning a cardholder; and
(g) Making contact at unreasonable/inconvenient hours before 6:00 A.M. or after 10:00 P.M., unless the account is past due for more than sixty (60) days, it is with express permission, or said times are the only reasonable or convenient opportunities for contact” (Subsecs. 4301N.14, Manual of Regulations for Non-Bank Financial Institution as amended by Circular No. 454, s. 2004, issued 9-24-2004).
Sa mga nabanggit, makikita nating kahit ang taong mayroong pagkakautang ay marapat ding mabigyan ng kaukulang respeto sa pagkakataong siya ay sisingilin na sa kanyang obligasyon. Kapag mayroong paglabag sa mga nabanggit na regulasyon ay maaaring dumulog ang may pagkakautang sa Bangko Sentral ng Pilipinas para sa kaukulang tulong.
Subalit, kahit mayroong ganitong uri ng panuntunan ang Bangko Sentral, marapat isipin ng nangungutang na siya ay mayroon ding obligasyon na bayaran ang kanyang mga pagkakautang. Kung mayroong dahilan at hindi niya mabayaran ito ay maaari siyang makipag-ugnayan sa institusyon na kanyang pinagkakautangan at makipag-usap kung papaano niya mababayaran ang kanyang pagkakautang sa paraang kanyang kakayanin.





Comments