‘Patayan’ na sa praktis ang Valdez team para sa SEAG
- Gerard Arce
- Oct 13, 2019
- 1 min read

Muling ibabandera ng dekalibre, dekorado at paborito ng madlang si Alyssa Valdez ang Pambansang koponan ng Women’s Volleyball sa 30th edition ng Southeast Asian Games ngayong taon sa iba’t ibang panig ng Luzon.
Pamumunuan ng dating UAAP at professional league MVP ang 14-woman team roster na nag-aasam na makamtan ang matagal na panahong pangungulila sa medalya sa biennial meet. Susubukan ng National Team na muling makakuha ng podium finish na huli nilang natikman noong 2005 Manila Games sa pamumuno nina Tina Salak at Ging Balse nang tumapos ang mga ito ng 3rd place.
Binuo na ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc ang mga makakasama ng power hitter spiker sa national team na sina dating DLSU leader Aby Maraño, setter Rhea Dimaculangan, na nagpahinga muna noong 2018 Asian Games sa Jakarta-Palembang at si Jovelyn Gonzaga, na dadalhin ang bandila ng bansa sa ikatlong pagkakataon sapul nang bumalik ang Pilipinas noong 2015 Singapore meet.
Napasama rin sa 14-roster sina ASEAN Grand Prix 1st at 2nd leg Best Middle Blocker Majoy Baron at 2nd leg Best Libero Dawn Macandili, setter Jia Morado, middle blockers Mika Reyes at Maddie Madayag, wingers Frances Molina, Eya Laure, Mylene Paat, Fil-American Kalei Mau at 2nd Libero Kath Arado.
Hindi napabilang sa Shaq Delos Santos mentored-squad sina Roselyn Doria, setter Jasmin Nabor at open spiker at dating NCAA MVP Grethcel Soltones, na pare-parehong naglaro sa 2nd leg ng Grand Prix sa Sta. Rosa Multi-Purpose Gym sa Laguna.
Sisimulan ang mga laban ng 11-nation biennial meet men’s at women’s volleyball sa Nob. 28-Dis. 10 sa Ninoy Aquino Stadium, sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.





Comments