P2 bilyong eroplano ni P-Digong, puwede ring gamitin ng mga ka-close na opisyal
- Korina Sanchez
- Oct 11, 2019
- 2 min read
Inilabas na ng Korte Suprema ang desisyon hinggil sa nararapat na sahod para sa mga nurse na nagtatrabaho sa mga pampublikong ospital.
Salary Grade 15 umano ang nararapat para sa mga nurse sa gobyerno. Pero hindi porke nagdesisyon na ang Mataas na Hukuman ay lalarga na ito dahil Kongreso raw ang maglalabas ng batas para ipatupad ang nasabing desisyon.
Sabihin mang sumasang-ayon din si DOH Sec. Duque sa nasabing sahod para sa mga nurse, hindi madaling aprubahan ito dahil hindi pa alam kung saan kukunin ang pondo para rito.
Kumbaga, konsuwelo lang na nasa likod ng mga nurse ang Korte Suprema dahil siguradong mas mahirap kausapin ang Kongreso, lalo na at ang inaalagaan nang husto ng kasalukuyang administrasyon ay ang kapulisan at kasundaluhan.
Mabilis nilang nahanapan ng pondo ang pagdoble sa suweldo ng mga ito. Kaya ang tanong, mabilis din kaya silang makahahanap ng pondo para sa mga nurse?
Mababang sahod ang pangunahing dahilan kaya napakaraming nurse ang umaalis ng bansa para magtrabaho.
At isa sa mga apektado ay ang mga pasyente dahil kung walang nurse na mag-aalaga sa kanila, paano na?
Sa totoo lang, meron d’yan na sumasahod ng mahigit isandaang libong piso, pero parang hindi naman maramdaman ang trabaho, samantalang, ‘yung ibang manggagawa, partikular ang mga nurse na sobrang effort sa trabaho, hindi maitaas ang suweldo.
◘◘◘
Kamakailan, lumabas sa iba’t ibang media portal ang pagbili ni Pangulong Rodrigo Duterte ng sasakyang panghimpapawid na nagkakahalaga umano ng P2 bilyon, ang Gulfstream G280.
Kaugnay nito, ipinagtanggol ng gobyerno ang pagbili ng dalawang jets dahil magagamit din daw ito bilang airborne command center sa panahon ng krisis o kalamidad.
Anuman ang katwiran ng mga opisyal sa pagbili ng pribadong eroplano — magiging personal na eroplano ito ng pangulo hanggang sa katapusan ng kanyang termino, gagamitin sa kanyang biyahe patungo at paalis ng Davao at iba pa, na nakapagtataka dahil ang sinabi niya noon, mas gusto niyang bumiyahe gamit ang commercial airlines, pero siguro, noon ‘yun.
Ang sabi pa, puwede rin daw itong gamitin ng iba pang opisyal tulad ni Defense Sec. Lorenzana at ng chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Huwag na tayong magtaka kung lahat ng opisyal sa kasalukuyang administrasyon ay makasasakay dito. Maraming malapit o malakas sa pangulo, ‘di ba? Ang sa atin lang, sana, hindi nila makalimutang pag-aari ito ng gobyerno at pera ng mamamayan ang ipinambili rito.





Comments