Nagawa nga sa mga pulis, eh! Mga nars sa DOH: Dagdag-sahod, kung gusto, may paraan!

Hindi pondo ang kulang sa gobyerno kundi political will!
Ito ang tugon ng Filipino Nurses United (FNU) sa pahayag ng Department of Health (DOH) na suportado ng ahensiya ang taas-sahod sa mga nurse subalit, walang sapat na budget para rito.
Anila, noong ginusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na madoble ang suweldo ng mga pulis at sundalo ay nagawa naman agad. Kaya hindi umano sila naniniwala na walang pondo para sa mga nurse.
Nauna nang pinagtibay ng Korte Suprema ang isang probisyon ng Philippine Nursing Act of 2002 na hindi dapat bababa sa Salary Grade 15 o P30,000 ang minimum pay ng public hospital nurses.
Pero, hindi naman pinagtibay ang implementasyon ng nasabing probisyon dahil kailangan pa umano ng Kongreso na isabatas ito na nakadepende rin kung may sapat na pondo. Ang hinaing nila ay tulad din ng sa mga guro na kapwa maituturing umanong overworked, pero underpaid.
Bukod sa labis na pagtatrabaho kapalit ng mababang sahod, may nurses na nakararanas ng verbal at physical abuse. Ngayon, masisisi ba natin sila na mas pinipiling magtrabaho sa ibang bansa? Hihintayin pa ba nating maubos sila?
Panahon na para sila naman ang makadama ng kalinga. Ibigay na ang suweldo na una nang napagkasunduan para naman magkaroon na sila ng pagkakataong pumili at hindi ‘yung palaging napipilitang mag-abroad para sa pamilya.
Nakalulungkot isipin na silang mga nurse na tagapag-alaga ay sila naman ang tila napapabayaan. Maibigay din sana ang nararapat na suweldo at benepisyo sa kanilang lingkod din ng bayan.





Comments