top of page

Mga adik sa yosi, nauto lang na mas oks ang vape... pero hindi, hindi, hindi!

  • Bong Revilla
  • Oct 11, 2019
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Sa dinami-rami ng mga pumupuna at bumabatikos sa paggamit ng vape o electronic cigarettes, tila mas lumalakas pa ang industriyang ito ‘yung tipong kahit saan ka lumingon ay parang kabute na nagsulputan ang mga vape shop.

Biglang lumakas ang industriyang ito dahil sa propaganda ng mga suppliers na higit itong mabuti kumpara sa tunay na sigarilyo.

Isa sa mga ‘maling propaganda’ ay maaari na umanong mahinto ang paninigarilyo kung lilipat sa vape. Higit din umanong ligtas ang vape o e-cigarette kumpara sa yosi dahil wala itong nicotine na nagpapaadik sa mga suki nito.

Dahil sa paulit-ulit na propaganda gamit ang social media, kumalat nang kumalat ang vape hanggang sa hindi na ito mapigilan.

Pero ang katotohanan, ang mga nabanggit ay pananaw lamang ng mga nagbebenta ng e-cigarettes kumbaga, ‘marketing strategy’ para makahikayat ng malaking bilang ng kostumer na sa totoo lang, nagbibigay lamang sila ng ‘bagong bisyo’.

Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), higit umanong masama ang malulong sa vape o e-cigarette dahil higit na masama ang epekto nito sa kalusugan kumpara sa ordinaryong sigarilyo.

Malaking kalokohan din na nakatutulong ang vape o e-cigarette sa mga nais nang huminto sa paninigarilyo dahil mayroon din itong toxin bukod pa sa hindi de-kalidad na mga juices na ikinakarga sa mismong vape na may halo ring nicotine.

At alam n’yo ba na naglipana na ngayon ang mga gumagawa ng juices na kung tawagin nila ay mula sa mga backyard manufacturers na wala kahit isang papeles na pinanghahawakan kumpara sa ibang bansa na lisensiyado ang mga manufacturers ng juices na inilalagay sa vape para magbuga ng sandamakmak na usok?

At sa merkado ay tinalo ng backyard manufacturer ng juices ang mga legit na manufacturer, sila na ngayon ang namamayagpag sa pagpapakalat ng juices sa mga vape shop sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaya hindi nare-regulate ng pamahalaan.

Sa ibang pag-aaral, humihina umano ang semilya ng sinumang gumagamit ng vape at lumalabas sa anak na lalaki ang kung anu-anong pisikal na epekto kaya hindi masasabing ligtas gamitin ang vape o e-cigarette.

Sa Amerika ay may mga lugar na ipinagbabawal na ang vape at maging sa China ay sinisimulan na ang kampanya para matigil ito at may mga ulat na namatay dahil hindi kinaya ang napakaraming buga ng usok ng vape.

Wala pa tayong eksaktong bilang ng mga biktima na nawasak ang mukha dahil nasabugan sila ng vape o e-cigarette na sa totoo lang, karamihan sa mga ito ay low-quality na nagkalat lang sa bangketa sa murang halaga.

Sa tanong na, ano ang mas okay vape o yosi? Well, pareho itong hindi maganda sa kalusugan, nakakaadik, nakamamatay, magastos at nakaiirita sa mga hindi nagyoyosi.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page