Sobrang lakas na mens at masakit na balakang, sintomas ng myoma
Dear Doc. Shane, Ako ay may asawa at isang anak. Nitong mga nakaraang araw, napansin kong lumalakas ang aking regla at kahit tapos na ay nag-i-spotting pa rin ako. Madalas din sumasakit ang balakang ko. Sabi ng kumare ko, baka raw may myoma ako. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa myoma? — Alicia
Sagot Ang myoma ay bukol na namumuo sa loob ng matris kapag ang babae ay nasa edad na puwede pa siyang magbuntis at manganak. Gayunman, ito ay kadalasang hindi nauuwi sa cancer.

Ito ay hindi nakikita nang walang gamit na aparato, pero maaari itong tumubo nang sama-sama. Maaari ring magkaroon ng isa o higit pang myoma sa matris. Sa malalang mga kalagayan, ang kumpul-kumpol na myoma ay kayang magpalaki sa matris na maaaring umabot sa rib cage.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng myoma:
malakas na daloy ng regla
pagkakaroon ng regla nang hindi bababa sa isang linggo
pananakit ng balakang
palagiang pag-ihi
kahirapan sa pagdumi
pananakit ng likod at mga binti
pagkakaroon ng spotting o bleeding kahit hindi naman nireregla
Tandaan, magpakonsulta agad sa doktor kapag nakaranas ng mga ganitong sintomas ng myoma, lalo na kapag masyadong malakas ang paglabas ng dugo at may pabigla-biglang matinding pananakit ng balakang.





Comments