Ildefonso at Yo ng Bulldogs at Tigers, ‘di nagpatinag

Photo: Espn5
Kinailangan ng National University ng overtime upang umulit sa Far Eastern University, 85-79, sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 sa Araneta Coliseum Miyerkoles ng hapon. Nagtrabaho ng husto si Dave Ildefonso sa pamamagitan ng kanyang 27 puntos at 11 rebound upang ibuhat ang Bulldogs sa kanilang pangalawang panalo ng taon.
Lamang ng 15 ang NU sa simula ng huling quarter, 62-47, pero unti-unting humabol ang Tamaraws hanggang tinabla ni Barkley Ebona ang laban na may walong segundong nalalabi, 71-71. Sa overtime, bumangon ang NU at binuhos ang unang walong puntos, 79-71, sa tulungan nina Ildefonso at John Lloyd Clemente at hindi na nakabawi ang FEU.
Maliban kay Ildefonso, bumida rin si Issa Gaye na may 16 puntos at 10 rebound. Ipinasok ni Clemente ang apat na tres para sa 15 puntos at walong rebounds.
Matatandaan na ang nag-iisang tagumpay ng Bulldogs sa unang round ng elimination ay sa FEU din, 61-39, noong Set. 25. Bumagsak ang FEU sa 4-5. Sa pangalawang laro, nagpamalas ng kakaibang init ng opensa ang UST para talunin ang University of the East, 101-73. Dahil dito, nanatili sa ikatlong puwesto sa liga ang Growling Tigers na may 5-4 panalo-talo. Pinakita muli ni Soulemane Chabi Yo kung bakit isa siya sa mga pangunahing kandidato para sa Most Valuable Player matapos magpasabog ng 22 puntos at humakot ng 14 rebounds. Subalit ang malaking bagay sa tagumpay ang 22 puntos buhat sa anim na tres at limang rebounds ni Zachary Huang, ang pinakamataas niyang puntos sa UAAP.
Lilipat ang aksyon ng UAAP ngayong araw sa Mall of Asia Arena. Tampok ang paghaharap ng University of the Philippines at UE sa 4:00 ng hapon pagkatapos magkita ang Adamson University at NU sa 2:00 ng hapon.





Comments