Bgy. chairman na wa’ paki sa clearing operations, lagot!
- Ryan B. Sison
- Oct 10, 2019
- 2 min read

Maraming nalinis na kalsada dahil sa mga masunuring alkalde at kapitan ng barangay, pero marami ring umisnab sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang mga pampublikong kalsada.
Hindi pa man tapos ang 60 araw na ibinigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nagbabala na ito sa Local Government Units (LGUs) na mananagot ang mga ito kapag nabigong sumunod sa kautusan.
Nang matapos ang deadline noong Setyembre 29, nanindigan ang DILG na mananagot ang LGUs na hindi nakapaglinis ng mga kalsada, kabilang ang mga alkalde at kapitan ng barangay.
Kaugnay nito, mahigit 100 kapitan ng barangay sa Maynila ang bigong makapaglinis ng kanilang nasasakupan matapos ang itinakdang deadline.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, ngayong linggo ay padadalhan ng show cause order ang nasabing mga kapitan at kapag nabigong magpaliwanag ang mga ito kung bakit hindi sila nakasunod sa kautusan, sasampahan sila ng reklamo sa Office of the Ombudsman saka sususpendihin.
Base sa assessment, sinabi ni Diño na napakaraming kapitan sa Lungsod ng Maynila ang walang ginawa at hindi naglinis ng nasasakupan kung saan kabilang sa mga hindi naalis ay ang mga sasakyang ilegal na nakaparada at illegal vendors.
Sakaling mapatawan ng suspensiyon, first kagawad ang papalit sa puwesto.
Samantala, kung ang mga alkalde naman ang mapatutunayang hindi sumunod sa pagsasagawa ng clearing operation, si DILG Sec. Eduardo Año ang magsusumite sa Office of the President ng listahan ng non-compliant mayors.
Kung sumunod at naging malinis ang nasasakupan ng bawat kapitan at alkalde, oks ‘yun, pero kung dinedma lang ang kautusan, tama lang na suspendihin ang mga ito para magtanda.
Bagama’t, tapos na ang deadline na ibinigay ng ahensiya, sana ay magtuluy-tuloy ang paglilinis sa mga kalsada dahil pagdating ng panahon ay mapakikinabangan ito ng mga susunod na henerasyon.
Para sa mga masususpinde, huwag sasama ang loob. Sa halip, ituring itong leksiyon dahil anuman ang mangyari, kayo ang responsable sa kaayusan at kalinisan ng inyong nasasakupan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments