SSS Pensioners, puwedeng umutang hanggang P200,000!
Buti na lang may SSS
Bahagi na ng ating kultura ang pagbibigay-respeto at pag-aalaga sa mga nakatatanda tulad ng ating mga magulang, gayundin ang ating mga lolo at lola.
Noong nakaraang linggo, ipinagdiwang natin ang ‘Elderly Filipino Week’ bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga senior citizens sa ating bansa. Kaya naman, sa pagdiriwang ng okasyong ito, marami tayong mga programa na naglalayong mapangalagaan ang kanilang kalusugan.
Ito rin ang layunin ng Social Security System para sa mahigit 2.2 milyong pensiyunado na malaki ang kontribusyon sa pagpapalago ng pondo ng SSS noong sila ay nagtatrabaho pa.
Sa pamamagitan ng SSS Retirement Benefit, sila ay nabibigyan natin ng buwanang pensiyon kung sila ay nakapaghulog ng 120 buwanang kontribusyon o higit pa. Kaakibat nito ang 13th month pension na ibinibigay ng SSS tuwing Disyembre bilang pamaskong handog.
Sa kasalukuyan, ang SSS ay nakapagbibigay ng minimum na P2, 200 kada buwan kasama na ang P1,000 dagdag na benepisyo sa mga pensiyunado ng SSS mula noong Enero 2017. Ang halaga ng pensiyon ay karaniwang ibinabatay sa monthly salary credit na katumbas ng buwanang kita ng miyembro at sa credited years of service o haba ng membership ng miyembro. Kung malaki o mataas ang monthly salary credit, malaki rin ang matatanggap na buwanang pensiyon ng miyembro. Tandaan, kapag malaki ang ipon, malaking benepisyo rin ang makukuha.
Base sa datos noong Hunyo, ang SSS ay nakapagbigay ng retirement benefits na nagkakahalagang P55.76 bilyon sa halos 1.7 milyong pensiyunado. Ang halaga ay mas mataas ng 8.6 porsiyento mula sa P51.28 bilyon na naibigay sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Inilunsad din ng SSS ang Pension Loan Program (PLP) noong Setyembre 2018 bilang tugon sa pantustos sa panandaliang pangangailangang pinansiyal ng mga retiradong pensiyunado kung saan makahihiram sila ng maximum amount na P32, 000 na maaaring bayaran sa loob ng isang taon. Mula noong Setyembre 3, 2018 hanggang Oktubre 1, 2019 naman, ang SSS ay nakapag-apruba ng P1.4 milyon na pension loans.
Kamakailan, inanunsiyo ng SSS na ang pensiyunado ay maaari nang makahiram ng hanggang P200, 000 na maaari naman nilang bayaran sa loob ng 6, 12 o 24 buwan. Magsisimula ito ngayong araw, October 9, 2019.
Ang enhanced application guidelines sa ilalim ng PLP ay inilunsad sa isinagawang SSS Pensioners’ Day noong Sabado sa SSS Diliman, Quezon City na dinaluhan ng halos 300 pensiyunado sa National Capital Region. Isinagawa rin ito sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na pinamahalaan ng iba’t ibang sangay ng SSS. Nagkaroon din ng libreng medical consultation at health and wellness seminars sa mga pensiyunadong dumalo sa naturang aktibidad.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments