top of page
WINNER - DEREK- ‘DI AKO NAGDA-DRIVE NG CAR NA MAY FAKE PLATES_IG _ramseyderek07.jpeg

Kadeteng si Dormitorio at paring si Msgr. Benjamin Razon, nabuhay at Pumanaw na may dangal

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Oct 9, 2019
  • 2 min read

Kailan nagsisimula at nagtatapos ang dangal ng tao?

“From womb to tomb.” Ito ang malawak na sagot ng maraming relihiyon hinggil sa dangal ng tao. Sa bawat sandali ng buhay ng tao, taglay niya ang kanyang dangal mula sa sinapupunan, toddler years, puberty stage, adolescence, adulthood, middle age, senior years at hanggang sa pumanaw ito.

Ganyan kahiwaga ang buhay na nilikha ng Diyos kaya naman tanging ang Diyos lang ang may karapatang bumawi sa buhay na nilikha at ibinigay Niya sa bawat isa.

Isa sa napakaraming isyu ngayon ang salot na “hazing”, ito umano ang dahilan sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio ng Philippine Military Academy (PMA) noong nakaraang buwan.

Sa gitna ng pagsusulat ng artikulong ito tungkol sa “hazing”, tumawag ang kasama nating pari sa Diosesis ng Cubao upang sabihin na pumanaw na ang isa naming kapatid na pari, si Msgr. Benjamin Razon.

Binalot tayo ng matinding lungkot dahil sa balitang ‘yun. Matagal na nating kilala si Msgr. Ben, nagtatrabaho pa lamang tayo bilang guro sa Tanay, Rizal noong 1976.

Tahimik at palaging nakangiti si Fr. Razon. Wala kang maririnig na anumang reklamo o pintas sa masipag na kura. Nang hinati ang Arkidiosesis ng Maynila sa limang maliliit na Diosesis, muli kaming nagkasama ni Fr. Ben na ngayon ay monsignor na sa bagong tatag na Diosesis ng Cubao.

Malakas pa si Msgr. Ben sa kanyang pagretiro sa edad 75. Ngunit, kapansin-pansin sa paglipas ng panahon ang paghina niya. Sa simula pa lamang ng taong ito, madalas nang maospital ang pari hanggang sa tuluyan nang kinupkop ng Diosesis at pinatuloy ito sa bahay ng Obispo.

Sa mga nagdaang panahon, pahina nang pahina si Msgr. Ben, hindi na masyadong umiimik hanggang sa dumating na ang balita ng kanyang pagpanaw sa umaga ng ika-4 ng Oktubre, pista ni San Francisco ng Assisi.

Sa pagpanaw ni Msgr. Ben, naiisip din natin ang kadeteng si Darwin Dormitorio. Nagkataong kapangalan pa nito si Darwin Ramos, batang mahirap na may kapansanan na inampon ng Tulay ng Kabataan na ngayon ay nahahanay sa mga posibleng idekla­rang santo ng Simbahang-Katolika.

Tatlong magkaka­hiwalay na buhay ngunit, magkakaugnay dahil sa sinulid ng dangal na tumatahi sa kani-kanilang buhay mula simula hanggang sa katapusan. Buong ingat na hinahawakan at kinakalinga ang sanggol ng kanyang ina. Kaya mahalagang pakinggan ang ina sa usaping “Kailan nagsisimula ang buhay at dangal ng tao?”

Sa tanong naman na, “Masama ba ang hazing?” Ang sagot ng dalawang heneral, “Nasa interpretasyon lamang ‘yan,” sabi ng isa.”Mabuti ‘yan para lalong maging lalaki,” sabi naman ng pangalawa.

Kung tatanungin ang nanay ni Darwin, tiyak na sasabihin nito, “Huwag ninyong sasaktan ang aking anak. Kahit sa lamok, hindi ko siya pinadapuan.”

At kami namang mga paring tumatangis sa pagpanaw ng kapatid, “Ingatan ninyo nang husto si Msgr. Ben. Ibigay sa kanya ang kanyang pangangailangan at anumang makababawas sa kanyang hirap.”

Marahas, manhid, pawang bato o bakal ang puso ng marami sa kasalukuyang lipunan.

Darwin at Msgr. Ben, ihingi ninyong ibalik ang espiritung nagmamahal sa mga pusong nalalabuan at naliligaw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page