35 Chinese ibinubugaw.. Hotel na sex den, buking!

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang hotel na ginagawang sex den kung saan 35 babaeng Chinese na pawang sex workers ang nasagip, 21 lalaking kustomer na kanila ring kababayan at 10 empleyadong Filipino ang hinuli sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Makati City Police Chief Col. Rogelio Simon, naaresto ang mga suspek sa ikinasang entrapment operation sa 9th floor, (showroom), 10th floor at penthouse sa MAXX Hotel, Makati Ave., Bgy. Poblacion, Makati City, alas-11:00 ng gabi.
Ayon kay Simon, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa nagaganap umanong sexual activities sa naturang hotel na kinabibilangan ng mga Chinese national.
Bumuo ng team ang hepe ng Makati Police para salakayin ang naturang hotel at dito naabutan ang mga babaeng Chinese na pawang mga sex worker at mga kababayan din nila ang kanilang mga kustomer.
Sinabi ni Col. Simon na ang mga lalaking dayuhan ay mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Napag-alaman na isinasagawa ang transaksiyon sa pamamagitan ng isang mobile application na ginagamit sa booking para magkaroon ng kustomer.
Bukod pa rito, nasa P20,000 hanggang P45,000 ang sex service kada oras na ginagawa sa isang VIP room.
Nakuha mula sa naturang lugar ang assorted sex paraphernalias, costumes, sex toys, books at tally board.
Ayon kay Simon, hihilingin nila sa lokal na pamahalaang Lungsod ng Makati na ipasara ang naturang hotel dahil sa ginagawang sex den ng mga dayuhan at aalamin nila kung sino ang operator nito.





Comments