Tabuena, 2nd place sa Taiwan Golf Masters

Minarkahan ng Pilipinas ang isang back-to-back na podium finish sa Taiwan golf circuit sa loob ng dalawang magkasunod na linggo matapos pumangalawa si Miguel Tabuena sa taunang Mercuries Taiwan Masters sa Taiwan Golf and Country Club sa Tamsui, Taiwan.
Naisalba ni Tabuena ang isang even-par 72 (apat na birdies at apat na bogeys) sa huling round ng $900,000 na bakbakan upang idikit sa naunang rounds na 67-72-68 at makaipon ng kabuuang 279 strokes pagkatapos ng 4 rounds.
Ito ay isang palo ang layo sa nagkampeong si Thai Suradit Yongcharoechai pero sapat na para makasosyo sa birdesmaid honors sina Ajeetesh Sandhu ng India at 2018 titlist Adilson Da Silva ng Brazil.
Ito na ang pangalawang sunod na linggo na ang isang Pinoy ay umokupa ng podium sa isang torneo sa Taiwan.
Noong nakaraang linggo lang, nakaakyat sa trono si Tony Lascuna sa 2019 Nanbao TPGA Open (Philippine Tour 2) sa Tainan, Taiwan.
Hindi lang sina Lascuna at Tabuena ang mainit ang hataw. Ilang araw pa lang ang nakalilipas, nagpakawala si Daniella Uy ng apat na birdie at isang eagle tungo sa 4-under-par 68 sa huling round upang maiposte ang top 4 performance sa pagsasara ng malupit na 2019 Party Golfers Ladies Open sa National Golf Country Club ng Yuanli Township, Miaolu County.
Sa kabuuan, pagkatapos ng 3 rounds, nagsumite ang Pinay ng iskor na 212 (74-70-68) para muling maramdaman ng host ang tikas ng Pilipinas. Anim na Taiwanese at isang Thai ang nakaupo sa unang apat na baytang na tumagal lang ng 54 holes.
Ang iba pang kinatawan ng bansa ay hindi nakadikit sa centerstage. Si Pauline Del Rosario ay malayo sa front runners o maging sa top 20 dahil sa iskor na 219 habang si Chanelle Avaricious ay kumartada lang ng 222.
Dalawa pang Pinay, sina Cyna Rodriguez at Marvie Monsalve, ay na-eliminate dahil sa matamlay na iskor.





Comments