Naturukan ng Dengvaxia.. Bunso ni P-Digong, na-dengue
- Mylene Alfonso
- Oct 8, 2019
- 2 min read

Kinumpirma ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na nagka-dengue ang bunsong anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Veronica, na kilala rin sa tawag na Kitty.
Ayon kay Go, labis umanong nag-aala ang pangulo at halos hindi nakatulog sa biyahe pabalik ng Pilipinas mula sa Russia.
Matapos ang kanyang arrival speech at pagsagot sa ilang tanong ng media nitong Linggo nang dumating sa Pilipinas, agad na umalis si Pangulong Duterte para magtungo sa ospital kung saan nakaratay ang kanyang anak.
“Nakikita ko habang nasa eroplano kami, nag-aalala siya. Parati niyang iniisip at ‘di nga raw siya po makatulog sa haba ng flight. For 11 hours ay ‘di siya mapalagay dahil iniisip niya ang youngest daughter,” ani Go.
Nakadagdag pa aniya sa pag-aalala ng pangulo na nagkataong nasa Germany din si Honeylette dahil sa pagdalo sa trade and industry event.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Go na pauwi na rin ng Davao si Honeylette na kinailangang putulin ang pananatili sa Germany para agad na madulugan ang anak.
Unang pagkakataon umano na nagka-dengue si Kitty na naturukan din ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Pero, ipinatigil ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng Dengvaxia sa dengue immunization program ng pamahalaan noong December 2017 matapos sabihin ng may gawa ng gamot na Sanofi Pasteur na hindi pala ito dapat ibigay sa mga hindi pa nagkaka-dengue.
“Okay naman po si Kitty. Dengue fever po ito at on her way to recovery na po siya. Sa awa ng Diyos, maayos naman po bumabalik na ‘yung... umaakyat na ‘yung kanyang platelet and hopefully ay gagaling na siya,” wika pa ni Sen. Go.
Nang tanungin kung gaano kababa ang platelet level ni Kitty, sabi ni Go, “I think, around 52 pero, unti-unti na hong bumabalik sa normal. Right now mayroon pa siyang dengue fever,” saad pa nito.
Nabatid umano ng delegasyon ni Pangulong Duterte na nagkaroon ng dengue si Kitty nitong Sabado habang nasa Russia pa ang Pangulo.
“‘Di po namin masabi. Nasa Russia kami nu’ng nangyari ito kaya nu’ng pagdating namin dumiretso agad kami sa ospital at bisitahin ‘yung kanyang youngest daughter,” dagdag pa ni Go.
Batay sa tala ng DOH, nasa 322,693 ang kaso ng dengue sa bansa mula January 1 hanggang September 26.
Mayroon umanong 1,272 pasyente ang pumanaw dahil sa naturang sakit.





Comments