top of page

Dahilan at solusyon sa pagkabulol

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Oct 8, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Ang panganay kong anak ay 6 years old na, pero bulol pa rin siyang magsalita. Nakapagtataka dahil ‘yung nakababata niyang kapatid na 4 years old ay maayos nang magsalita. Bakit kaya ganu’n? Pinag­kakatuwaan siya ng mga kalaro niya kaya naaawa ako sa anak ko. Meron ba akong dapat gawin para maayos ang pagsa­salita niya? — Rana

Sagot

Ang pagkabulol o lisping o functional speech disorder sa ter­minolohiyang medikal ay ang hirap sa pagbig­kas ng ilang tunog na bahagi ng pananalita tulad ng ‘s’, ‘z’, ‘r’, ‘l’ o ‘th’. Halimbawa, ang salitang ‘sikap’, ito ay maaaring mabigkas na ‘thikap’.

Ano ang dahilan ng pagkabulol?

Hindi madaling ma­tukoy ang dahilan kung bakit nabubulol ang tao ngunit, kara­ni­wan, ito ay kombi­nas­yon ng mga problema sa hugis at anyo ng mga bahagi ng lalamunan, problema sa pagkaka­tuto ng pananalita noong bata at iba pa. Maaari ring konektado ito sa diperensiya sa pakikinig o problema sa mga tainga.

Normal lang ba ang pagkabulol sa mga bata?

Posible dahil hindi pa gaanong kabisado ng mga bata ang pagbigkas ng iba’t ibang kataga kaya ang kanilang pana­nalita ay bulol. Subalit, sa edad na apat hang­gang lima ay kalimitan nawawala na ang pagkabulol ng mga bata.

Kanino puwedeng magpatingin kung may problema sa pagsasalita?

Ang mga speech pathologist o Speech Language Pathologist (SLP) ang mga espesyalista para sa mga ganitong problema. Kalimitan, nag-aral din sila ng Speech Language The­rapy (SLT), ang lunas sa ganitong mga problema.

Speech Therapy: Lunas sa pagkabulol

Ang SLP ay mag-i-interview sa pasyente o sa mga magulang tung­kol sa history ng pas­yente. Halimbawa, lumipat ba siya mula sa lugar na iba ang salita? Nagkaroon ba siya ng mga sakit noon?

Kailangang maob­serbahan at maeksamin ng SLP ang bibig at mga bahagi nito kung paano ito gumalaw habang nag­sasalita ang pasyen­te. Su­suriin din ang para­an ng pagsasalita ng pas­yente.

Ang paraan para mawala ang pagkabulol ay ang pagsasagawa ng speech therapy o speech and language therapy (SLT). Maraming iba’t ibang uri ng therapy, layunin nitong matutu­nan ng pasyente ang tamang pagbigkas sa pamamagitan ng pagtu­koy ng tamang pagbigkas, pagkukumpara nito sa maling bigkas, pagsubok na pagbigkas sa iba’t ibang mga tunog at kataga, at tuluy-tuloy na pagpapraktis.

Gaano katagal gina­­gawa ang speech therapy?

Depende sa proble­ma at kung gaano kabilis matuto ang pasyente. Maaaring tumagal ang therapy nang wala pang isang buwan at maaari rin itong umabot nang ilang taon.

Para mapabilis, ma­ha­laga ang tuluy-tuloy na therapy at practice ng mga speech exercises na ibibilin ng inyong speech therapist.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page