top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Angkas rider na nangmolestiya ng pasahero, sampolan!

Ryan B. Sison
Oct 8, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Maraming kababaihan ang nakarara­nas ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso, araw-araw, kaya tila naging parte na ito ng kanilang buhay.

Kung may lakas ng loob na magreklamo, maganda, pero kung naunahan ng takot, dedma na lang kahit may posibilidad na maaaring maulit ang mangyari.

Hindi na nga mawala ang kalbaryo sa biyahe, dagdag pa ang posibilidad na maabuso sila, lalo na sa pampublikong lugar, biyahe at marami pang iba.

Kamakailan, kalaboso ang Angkas driver matapos molestiyahin ang babaeng pasahero nito sa Quezon City.

Kuwento ng biktima, galing siya sa inuman sa bahay ng kaibigan sa Project 6, QC at nag-book pauwi sa Eastwood.

Sa halip na ihatid agad sa drop-off, pinaikut-ikot umano siya ng rider sa Katipunan at CP Garcia Sts.

Dagdag pa nito, ilang beses silang huminto sa madidilim na bahagi ng kalsada at doon hinawakan ng rider ang maseselang bahagi ng kanyang katawan.

At nang makakita ng tanod ng barangay, nagsisigaw ito kaya naaresto ang rider at iti­nurnover ang suspek sa Anonas Police Station.

Gayunman, inirerekomenda ng pulisya na kasuhan ang suspek ng acts of lasciviousness at posible itong iakyat ng biktima sa mas mabigat na kasong rape.

Sa totoo lang, nakakagalit ang ganitong uri ng tao dahil ginamit pa ang kabuhayan para sa kamanyakan.

Ang masaklap, pati ‘yung matitinong rider na walang ginawa kundi maghanapbuhay nang maayos ay nadadamay pa. Tsk!

Anuman ang sitwasyon, hindi ito dahilan para manamantala ng kahit sino. At isa pa, kahit anong ingat, kung may manyak at mapagsamantala, hindi mawawala ang ga­nitong insidente.

Panawagan sa publiko, lalo na sa kababa­ihan, huwag kayong matakot magsumbong sa awtoridad dahil karapatan ninyo ito.

Gayundin, kung mananatiling malaya ang mga manyak at mapang-abusong tao, sigura­dong marami pang mabibiktima ang mga ito.

At pakiusap sa mga awtoridad, sampulan ang mga manyak para magtanda at huwag nang mambiktima pa!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page